Habang naka-video call SINGAPOREAN NATIONAL NAHULOG MULA 5TH FLOOR

CAVITE – Hinihinalang nawalan ng panimbang kaya nahulog mula sa 5th floor ng isang hotel ang isang 23-anyos na Singaporean national habang nakikipag-video call sa Dasmariñas City noong Linggo ng gabi.

Kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa De La salle University Medical Center ang biktimang si Angel Tun, dalaga, isang freelancer, at pansamantalang nanunuluyan sa Spring Plaza Hotel sa Brgy. Sampaloc 2, Dasmariñas City, dahil sa mga sugat sa katawan. 

Ayon sa salaysay ng isang saksi sa pulisya, dakong alas-7:42 ng gabi nang mangyari ang insidente sa 5th floor ng Spring Plaza Hotel sa nasabing lugar.

Nang dumating umano ang biktima ay umupo ito sa kongkretong pader sa gilid ng gusali habang nakaharap sa labas hawak ang kanyang cellular phone at nakipag-video call.

Pinagsabihan siya ng saksi na mapanganib ang kanyang ginagawa subalit nawalan ng panimbang ang biktima at nahulog mula sa nasabing palapag ng hotel.

Agad namang isinugod sa ospital ang biktima na kasalukuyang nilalapatan ng lunas. (SIGFRED ADSUARA)

200

Related posts

Leave a Comment