(NI DANG SAMSON-GARCIA)
DISMAYADO si Senador Cynthia Villar sa maliit na budget na inilaan ng Department of Health (DOH) para sa ‘open defecation.’
Sa Senate subcommittee hearing sa panukalang P160.15 billion budget ng DOH sa 2020, iginiit ni Villar na hindi sapat ang P2 million allocation sa pagpapagawa ng sanitary toilets sa ilalim ng Environmental and Occupational Health para matugunan ang suliranin sa open defecation.
Sinabi pa ni Villar na base sa pagtaya, dahil sa may 3.5 milyong Pilipino ang gumagawa ng ‘open defecation’ sa Metro Manila, may 700,000 households ang nangangailangan ng sapat na sanitary toilet facilities.
“Assuming we put the cost at a minimum of P1,000 per person, we will need a total of P3.5 billion for a period of 10 years if we are to achieve the target to end open defecation by 2030 in Metro Manila alone,” ayon kay Villar.
Sinabi ni Health Usec. Myrna Cabotaje na humingi ang departmento ng P196 milyon para rito subalit P2 milyon lamang ang ibinigay sa kanila.
Sa budget hearing, dismayado rin si Villar sa pagkakabimbin ng pagpapagawa ng mga kubeta sa Bgy. 649, Baseco Compound sa Tondo.
May 500 kubeta ang itatayo rito sa loob ng tatlong taon.
Bilang isa sa mga barangay na may pinakamaraming populasyon sa Maynila, 43,000 ang populasyon ng Barangay 649.
Sa 8,000 households, 80% ang walang access sa sanitary toilet facility.
Upang direktang matugunan ang mga suliraning ito, sinabihan ni Villar ang DOH at Department of Social Welfare and Development na kumilos.
Ito ang dahilan sa paghirang sa naturang lugar bilang recipient ng Environmental and Sanitation Project of Provision of Communal Public Toilets noong 2016.
“President Duterte created a task force to clean and rehabilitate Manila Bay. If we cannot solve the problem of open defecation in Metro Manila, we all know that the waste of 3.5 million residents will end up in Manila Bay. That is why I am asking you, are you really serious in your promise to end open defecation by 2030?,” tanong ni Villar sa DOH officials.
Suportado ni DOH Sec. Francisco Duque ang pahayag ni Villar na pabilisin ang pagpapagawa ng mga kubeta sa Baseco.
Ipinanukala rin ni Villar na ibigay ang pera sa ibang government agency para matapos ang toilet project sa Baseco.
183