(NI NOEL ABUEL)
INILALAGAY ng Department of Transportation (DoTr) ang libu-libong commuters sa panganib at libu-libong drivers ng motorsiklo.
Ito ang sinabi ni Senador Imee Marcos kung saan sinisisi nito ang nasabing ahensya dahil sa maraming driver ng kumpanyang Angkas ang nawawalan ng trabaho dahil nagpapataw ito ng mga bagong limitasyon sa operasyon nito.
Giit ni Marcos, walang tamang konsultasyon o debate, ang nangyari sa pagitan ng DoTr at ng kinatawan ng Senado, Kamara, Philippine National Police (PNP), Metro Manila Development Authority (MMDA), at ng motorbike ride-hailing companies, kasama na ang mga commuter associations.
Ang panuntunan aniya ng pagpapalawig sa pilot test ay kinatigan lamang ni retired police general Antonio Gardiola Jr., at kinatawan mula sa DoTr, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB at ng Land Transportation Office (LTO).
“Iregular ito dahil ang main purpose ng pilot testing ay para maglatag ng batas na hindi lang magtitiyak ng fair competition kundi ang kaligtasan din ng riding public,” sabi ni Marcos na dumalo sa kilos protesta ng mga Angkas drivers sa Quezon Memorial Circle sa lungsod Quezon.
Idinagdag pa ng senador na ang fair competition na nais ng nasabing ahensya ay maglalagay sa panganib mga commuters.
“Yung sinasabi na fair competition ay posibleng siya pang maglagay sa panganib sa mga commuter dahil maraming makakasali sa pilot test na mga driver na hindi natin tiyak kung may sapat na kasanayan,” sabi ng senadora.
“Lumalabas na maaaring ang bagong 20,000 motorcycle taxis na sasali sa pilot test ay posibleng walang sapat na experience at safety record na meron ang Angkas,” dagdag pa nito.
156