(NI ROSE PULGAR/PHOTO BY RAFAEL TABOY)
PINAGPAPALIWANAG ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) ang ilang supermarket na inisyuhan ng showcause order, dahil sa paglabag ng mga ito sa ipinatutupad na suggested retail price sa ilang pangunahing bilihin.
Isa na rito ang isang supermarket sa bahagi ng Manila kung saan ang bentahan ng manok ay sadyang mataas ang presyo kumpara sa itinakda ng DTI.
Nagkakahalaga ng P145 ang kada kilo ng manok na malayo sa Suggested Retail Prices (SRP) na itinakda ng DTI na P120.00 lamang kada kilo.
Samantala, isa pang supermarket sa nabanggit ding lungsod ang labis ang taas ng presyo ng kanilang tindang asukal.
Nabatid na mahigit na P60.00 kada kilo ang bentahan nila ng puting asukal , habang P57.75 .00 naman ang bentahan nila ng kada kilo ng brown na asukal na sa halip na P54.00 kada kilo sa puti habang sa pula ay aabot sa P52.00 kada kilo.
Pinagpapaliwanag ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang nasabing supermarket, kung bakit mataas ang kanilang benta ,gayong wala namang pagtaas sa presyo ng asukal.
Sa Quezon City, pinagpapaliwanag din ni DTI Asst Secretary Anne Claire Cabochan, matapos na madiskubre sa ginawang pag-iikot nito na isang Great Value Mart na iba ang nakalagay sa price tag ng dalawang brand ng sardinas pero pagdating sa kahera ay mas mataas ito ng dalawang piso.
Iginiit ni Cabochan na dapat na kung ano ang nakalagay na SRP ay siya ring presyo na dapat na bayaran sa kahera.
“Kailangan magpaliwanag sila rito kung bakit ang taas ng presyo ng kanilang mga produkto na binebenta,”pahayag pa ng opisyal.
Aniya, sa oras na mapatunayan na lumabag ang mga nasabing supermarket ay mapapatawan sila ng kaukulang parusa.
250