DTI SINITA SA PAGTAAS NG PRESYO NG ITLOG, MANOK

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

SINITA ni Senador Imee Marcos ang biglaang pagtaas na presyo ng itlog at manok sa ilang mga pamilihan sa Metro Manila nitong nakaraang linggo.

“Walang dahilan para magtaas ng presyo sa itlog kasi ultimong Philippine Egg Board sa kanilang suggested retail price ay hindi dapat tumaas sa P5 ang kada piraso ng itlog dahil sapat ang suplay nito,” saad ni Marcos.

Ayon kay Marcos, lagpas sa P6 ang presyo ng bawat pirasong maliit na itlog sa ilang palengke sa Metro Manila, dahil umabot sa P180  o higit pa ang bentahan ng bawat tray na naglalaman ng 30 piraso.

Gayunman, dapat ay nasa P150 lamang ang halaga nito na nangangahulugan na may 20 porsyento o mahigit pa ang ginawang pagtaas mula sa P5 na SRP na itinakda ng gobyerno.

Ikinagulat din ni Marcos ang muling pagtaas ng presyo ng manok sa mga pamilihan, matapos na umabot ito sa P190 hanggang P200 kada kilo.

Ayon sa senador, nasa P123 hanggang P128 ang wholesale price noong nakaraang buwan.

“Tumaas nga ang halaga ng chicken feed at medyo bumaba ang chicken production sa ilang lugar sa Luzon. Pero sinabi na ng Department of Agriculture na okay na at bumabalik na ang consumption ng baboy, kaya ‘di dapat ganun kataas ang presyo ng manok,” diin ni Marcos.

Kasabay nito, pinaalalahanan ni Marcos ang Department of Trade and Industry na busisiing mabuti at gawing regular ang pagmomonitor sa presyuhan ng itlog at manok na pinangangambahang mas itaas pa ng mga negosyante habang papalapit ang Pasko.

 

 

362

Related posts

Leave a Comment