(NI BETH JULIAN)
NANINDIGAN si Pangulong Rodrigo Duterte na ibinubuhos ang pondo sa proyekto ng gobyerno sa buong bansa at hindi lamang sa iilang lugar.
Sa pagharap ng Pangulo sa mga opisyal ng League of Provinces of the Philippines sa Malacanang, Martes ng gabi, tiniyak nito na hindi niya dala sa pagka-presidente ang kanyang mga personal na sentimyento.
Ito ay matapos banggitin ng Pangulo na iilan lamang ang sumuporta sa kanya noong 2016 elections.
Pagdidiin ng Pangulo, pwedeng lapitan sina Executive Secretary Salvador Medialdea o kaya ay si Budget Secretary Wendel Avisado.
Inihalimbawa pa ng Pangulo ang usapan sa anak na si Davao City Mayor Sara Duterte Carpio tungkol sa Davao Airport kung saan pinauuna na nya ang pagsasaayos sa ibang mga paliparan.
Samantala, kumpiyansa ang DBM na maisusumite na nila sa Kongreso ang P4.1 trillion panukalang budget para sa taong 2020.
Sa gitna na rin ito ng pag-upo ng bagong Budget Secretary na si Wendel Avisado na una nang nakapanumpa kay Pangulong Duterte.
Sa pahayag na inilabas ng DBM, isinasapinal na lamang ang panukalang budget at inihahanda ang pinal na dokumento para rito.
Si Avisado na dating Presidential Assistant for Special Concern at dating konsehal at City Administrator ng Davao City ang humalili kay Budget Usec Janet Abuel na umaktong OIC ng DBM mula Marso at siyang nanguna sa kagawaran sa 2020 budget na inaprubahan kamakailan ng Pangulo at ng mga Gabinete.
291