(NI DANG SAMSON-GARCIA)
INAASAHANG muling gigisahin ng mga senador ang economic managers hinggil sa flagship projects o mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build program.
Una nang kinuwestyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang kabagalan ng takbo ng programa kung saan sa 75 flagships projects ay 9 pa lamang ang nasisimulan sa nakalipas na halos tatlong taon.
Tinawag pa ni Drilon na ‘dismal failure’ ang programa dahil malabo na anyang matapos pa ang iba pang mga proyekto hanggang matapos ang Duterte administration.
Ayon kay Senate Committee on Finance Chair Sonny Angara, muling ipinatawag sa budget deliberations ang mga opisyal ng National Economic Development Authority (NEDA) upang ipaliwanag ang mga proyekto.
“I think itatanong yan sa Monday kaya pinabalik ang NEDA. Hindi sila (mga senador) na-satisfy sa pagpapaliwanag kaya ibabalik yun at itatanong kung ano status ng bagong flagship projects,” diin ni Angara.
Matapos ang pagsita sa kabagalan ng proseso, pinalitan ng economic team ang listahan ng mga proyekto kung saan tinanggal ang ilang mga malalaking programa na malabong magawa kasama na rito ang tulay na mag-uugnay sa Visayas at Mindanao.
“Marahil yung 75 hindi well thought out kaya 28 na ang tinanggal at ni-replace ng more doable at fundable na maitutuloy sa huling 3 taon. Tinanggal na ang Mindanano-Visayas bridge. Yung mahahabang tulay ay inalis na sa listahan at pinalitan ng mas realistic projects,” paliwanag ni Angara.
Samantala, target ni Angara na matapos ang deliberasyon sa budget ngayong linggo habang sa susunod na linggo ay masimulan na ang period of amendments upang tuluyang maipasa ng Senado bago matapos ang Nobyembre.
Nais din ng Senado na maisalang sa bicameral conference committee meeting ang budget sa unang linggo ng Disyembre upang malagdaan ng Pangulo bago matapos ang taon.
140