ENVOY: PINOY CAREGIVERS PATOK SA JAPAN

care12

(NI BETH JULIAN)

DAHIL sa pagiging malambing, nangunguna pa rin ang mga Filipino sa listahan ng Japan na nais nilang kunin na tagapag-alaga o maging caregiver.

Ito ang inihayag ni Philippine Ambassador to Japan Jose Laurel V, na nagsabing mas gusto ng mga Hapon na malambing at karinyoso lalo na ng mga Filipina sa ginagawa nitong pag-aalaga sa mga nakatatanda.

Ayon kay Laurel, kung ilalarawan  ang pag-aalaga ng mga Pinoy caregiver, ikakategoryang outstanding ito at malaki ang nagagawa para mas maging mabuti ang pakiramdam ng matatandang kanilang inaalagaan.

Sa ngayon ay mga nurse at caregiver pa rin ang trabahong may pinakamataas na demand para sa mga Filipino sa Japan habang nangangailangan din naman ng mga Hapon ng serbisyo ng mga Pinoy bilang mga manufacturer, pero ang kailangan lamang ay makalusot sa language examination na itinututing na mahirap na requirement.

Gayunman, sinabi ni Laurel na kahit mahirap ay sulit naman  dahil sa naghihintay na magandang kita na aabot sa P175,000 bilang starting salary kada buwan.

Samantala, iaayos na ang  gagawing hakbang para sa deployment o pagpapadala ng mga Filipino nurse at health worker sa Japan.

Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na nire-review na nila ang kasunduang nakapaloob sa Philippines-Japan Economic Partnership para matiyak na kapwa kapaki-pakinabang dahil tanging sa Japan lamang mayroong bilateral Foreign Trade Agreement ang Pilipinas kaya’t lalong paghuhusayin pa ito para sa dalawang bansa.

Ang pahayag ng Pangulo ay kanyang sinabi sa pagdalo nito sa  Business Forum sa Tokyo kung saan dumalo ang mga Japanese business leader at Filipino businessmen.

Target ng pamahalaan na magkaroon ng access sa Japan ang mga produktong pang-agrikultura ng Pilipinas gaya ng saging, mangga at pinya gayundin sa mga construction project.

386

Related posts

Leave a Comment