SA halip na maging mata para sa isang kandidatong tumatakbong kongresista, pinili ng isang ginang na isiwalat ang diumano’y atas na magsilbing espiya laban sa isang baguhang politiko sa ika-5 distrito ng lungsod ng Quezon.
Sa tatlong pahinang sinumpaang salaysay ni Aiza Mojica Cabazares, residente ng Tupaz Canan, Novaliches Proper, Quezon City, ipinagtapat niya na taong 2021 nang maging tauhan at mapabilang siya sa mga tinatawag na ‘angels’ ni congressional bet at QC Councilor Patrick Michael Vargas na kapatid ni last-termer Rep. Alfred Vargas.
Sa kabila ng pagiging tauhan ng nakababatang Vargas, nakatanggap pa rin ng scholarship ang anak ni Cabazares sa ilalim ng programang libreng edukasyon ng leading congressional contender na si Rose Lin – bagay na aniya’y sinamantala ng isang Sybhel Cordero na tumatayong social media manager at PR ng magkapatid Vargas.
Pagtatapat ni Cabazares, sinabihan umanio siya ni Cordero na magsilbing espiya sa hangaring mabahiran ang pangalan ng kalabang kandidato ng konsehal.
Ayon pa sa salaysay, unang linggo ng Marso 2022 nang kausapin ni Cordero si Cabazares at pinangakuang bibigyan ng karagdagang sweldo sa utos rin na umano ni Vargas – bagay na natupad naman aniya matapos siyang padalhan ni Cordero ng P1,000 gamit ang GCash app.
Kasabay ng padalang pera, muli aniya siyang pinangakuan ni Cordero na mas marami pang biyaya ang kanyang matatamasa kung magagawa niyang magpadala ng larawan o video ni Lin habang nag-aabot ng pera sa mga lumalapit para humingi ng tulong.
Gayunpaman, tumanggi umano siya dahil wala naman siyang cellphone, bagay na mabilis na tinugon ni Cordero na agad na nagpadala ng isang Xiaomi mobile phone at kalaunan ay pinalitan ng Techno Mobile Pop5.
Bukod sa pera at cellphone, inamin din ni Cabazares na pinangakuan siya ng kampo ng mga Vargas na tutulungan siyang palabasin sa piitan ang kanyang kapatid na dinakip ng isang barangay chairman na napag-alamang kaalyado pala ng nakaupong kongresista.
Nasundan pa umano ang pagpapadala ni Cordero ng pera sa kanyang GCash – P500 noong Marso 23 matapos niyang magpadala ng larawan ni Lin na personal na nag-abot ng scholarship grant sa kanyang bayaw, mga litratong inilabas naman ng kampo ni Vargas sa telebisyon kung saan pinaratangan ang bagitong kongresista ng vote-buying.
Sumunod na padala naman aniya sa kanya ni Cordero ay P3,000 noong Abril 7, petsang pinangakuan naman siya umanong ililipat ng bahay matapos niyang sitahin ang paglabas sa telebisyon ng larawan ng kanyang bayaw.
Dito na aniya siya nakaramdam ng takot na nagsilbing hudyat para isiwalat ang katotohanan – sa harap ng isang abogado – kaugnay ng kanyang ginagampanang papel sa magkapatid na Vargas.
Sa isang pahayag, muling iginiit ni Lin na walang vote-buying para sa isang programang inilunsad niya noon pang nakaraang taon para sa mga batang hindi pa pinahihintulutang bumoto.
Bukod kay Cabazares, may walo pa umanong tauhan ang konsehal na nakapasok sa kampo ni Lin. (FERNAN ANGELES)