(NI KEVIN COLLANTES)
TINIYAK kahapon ng Department of Education (DepEd) na hindi matitigil ng pag-aaral ang mga estudyante na apektado ng pansamantalang pagpapasara ng may 55 Lumad schools sa Davao region.
Ipinaliwanag ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan na maaari namang lumipat sa mga kalapit na paaralan ang mga naturang mag-aaral.
Ayon kay Malaluan, bahagi ng direktiba ng departamento sa mga dibisyon at rehiyon, na tiyaking tatanggapin sa mga kalapit na DepEd schools ang mga naturang mag-aaral.
Inatasan din aniya ang Salugpongan Ta’ Tanu Igkanogon Community Learning Center Inc., na siyang may-ari at nagpapatakbo ng mga naturang Lumad schools, na payagan ang kanilang mga mag-aaral na lumipat ng ibang eskwelahan upang maipagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral.
Matatandaang una nang sinuspinde ng DepEd ang permit to operate ng mga naturang paaralan dahil sa umano’y pagtuturo ng mga makakaliwang ideyolohiya.
Kaugnay nito, kinumpirma ni Education Secretary Leonor Briones na biniberipika na nila ang mga ulat mula sa National Security Council hinggil sa kaugnayan sa komunistang rebelde ng mga naturang Lumad schools.
Ayon kay Briones, noong Pebrero pa ipinaabot ng NSC sa kanila ang naturang findings kaya’t kaagad naman niya itong ipinaberipika.
“Ang nag-trigger ng sigalot na ito ay last February pa nagsabi na ang National Security Adviser na may mga findings sila. Every year talagang issue yan, hindi naman as if suddenly pumutok na lang ito. May mga findings sila na bine-verify namin ngayon. May sarili kaming standards,” ayon pa kay Briones sa panayam sa radyo. “Yes, bine-verify namin at ongoing ito. Kinakausap ko ang mga aming officials kung ano ang findings nila kasi kami may sariling proseso sa pag-assess ng mga eskwelahan. Problema yan every year.”
Paglilinaw pa ni Briones, ipinasara nila ang mga naturang paaralan matapos ang kabiguang makatalima sa mga requirements na itinatakda ng departamento at hindi pagsunod sa kanilang curriculum.
138