WALANG karapatan na manatili sa Korte Suprema (SC) si Associate Justice Mario Victor “Marvic” Leonen dahil wala umano itong karanasan sa korte bago ito itinalaga ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III noong 2012.
Ito ang isa sa mga dahilan na tinukoy sa Verified Complaint for Impeachment na inihain ni FLAG Secretary-General Ed Cordevilla sa mababang kapulungan ng Kongreso noong nakaraang linggo.
“To this day, the public is still perplexed how someone with no judicial experience whatsoever can be appointed to the highest Court in the land. Being an academician all his life, one wonders if he ever even saw the four walls of a courtroom prior to his appointment,” ani Cordevilla sa kanyang inihaing reklamo.
Si Leonen ay ginawang chief negotiator ni Aquino sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) na naging dahilan para mabuo ang Framework Agreement on the Bangsamoro na nilagdaan noong Oktubre 15, 2012.
Isang buwan matapos ito, o noong Nobyembre 12, 2012 ay inappoint ni Aquino si Leonen sa SC na sa edad 49 ay pinakabatang mahistrado mula noong 1938.
Itinalaga si Leonen sa kabila ng kawalang karanasan umano nito sa korte na mahalaga sa isang mahistrado upang maunawaan nito ang kanyang trabaho at ang “disastrous performance” umano nito bilang Bangsamoro chief negotiator.
“When a young man who has no trial experience is suddenly appointed to the highest Court of the land, there will be problems. The young and inexperienced appointee will do what he pleases to the detriment of his other colleagues in the bench. And who will have to bear the brunt of all his mistakes? It is us: the sovereign people,” ayon pa sa reklamo ni Cordevilla.
Patunay aniya ang pagtulog ng 37 kaso na hawak ni Leonen na ilan taon na sa kanyang chamber subalit hindi pa nadedesisyunan kaya nadedelay ang paggawad ng hustiya.
Ang mga kasong ito kasama na ang mabagal na pagresolba ni Leonen sa mga election protest na nakahain sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) kung saan siya ay presiding justice ang dahilan kung bakit sinampahan ito ng kasong “culpable violation of the constitution”.
“In the eight (8) years that respondent was a magistrate, he has shown gross inefficiency by taking his sweet time in resolving the cases before him. To date, he has eighty-two (82) pending cases, thirty-seven (37) of which were assigned to him several years ago,” ayon pa sa reklamo.
Bukod sa culpable violation of the Constitution ay sinampahan din si Leonen ng “betrayal of public trust” dahil sa hindi nito paghahain ng kanyang Statement of Assets Liabilities and Net worth (SALN) sa loob ng 15 taon na pagtatrabaho nito sa University of the Philippines (UP) bago ito hinugot ni Aquino para maging chief negotiator sa MILF at kalaunan ay inappoint bilang AJ sa Korte Suprema.
Kasama rin sa betrayal of public trust ang tangkang pagpapa-renovate ng tanggapan ni Leonen sa villa ng Korte Suprema sa Baguio City na kanyang gagamitin at nagkakahalaga ng halos P5 milyon gayung nasa gitna ng pandemya ang bansa dahil sa COVID-19.
Noong nakaraang linggo ay hindi pa binabasa sa plenaryo ng Kamara ang impeachment complaint ni Cordevilla kahit inendorso na ito ni Ilocos Norte Rep. Angelo Marcos Barba. (BERNARD TAGUINOD)
