(NI BERNARD TAGUINOD)
ITINUTURING ng isang lider ng militanteng grupo na posibleng natatakot ang gobyerno sa tinatawag na ‘social volcano’ o ang pagsabog ng mga magsasaka, sa P15,000 na pautang sa mga ito matapos malugmok sa Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law.
Ginawa ni dating Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao ang pahayag matapos ilunsad ang Survival and Recovery Assistant Program for Rice Farmers (SURE-AID) kung saan pauutangin ng tig-P15,000 ang mga magsasaka na babayaran sa loob ng 8 taon na walang interes.
“In order to pacify the looming social volcano, government scrambles the use of the Survival and Recovery Assistance Program for Rice Farmers (SURE Aid) pahayag ni Casilao.
Hindi biro aniya ang bilang ng mga magsasaka na nalugmot sa kahirapan dahil umaabot ito sa 2.3 million hanggang 2.7 million sa buong bansa na posibleng sumabog ang galit.
Gayunpaman, sinabi ni Casilao na hindi ang pautang na ito ang kailangan ng mga magsasaka kundi ang direktang tulong tulad ng subsidiya sa kanilang pagsasaka at ibalik sa dating presyo ang kanilang palay.
“Tamang presyo at subsidy, di pautang ang kailangan ng mga magsasaka. Baon na nga sa utang ang ating mga magsasaka, lalong binabaon pa nila. Hindi ito ang sagot sa ugat ng kahirapan ng mga magsasaka ang kailangan nila,” ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Eufemina Cullamat.
Maliban dito, kailangan umanong amyendahan o kaya tuluyang ibasura ang Rice Tariffication Law dahil ito ang ugat ng paghihirap ng mga magsasaka matapos bumagsak sa P7 hanggang P6 ang presyo ng kanilang palay na malayo sa P22 kada kilo bago naipatupad ang batas na ito noong Marso 2019.
Sinuportahan naman ni Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bilhin ang palay ng mga magsasaka sa mataas na presyo subalit kailangang linawin aniya kung saan manggagaling ang pera.
“Sana rin malinaw kung saan niya kukunin ang perang pambili ng palay, kasi walang perang inilaan para sa agricultural crisis na ito. Kailangang magkaroon ng malinaw na sagot ang mga tanong na ito, dahil ayaw nating umasa na naman ang mga magsasaka sa isang pangakong hindi matutupad,” ayon pa sa mambabatas.
196