BINIGYAN kahapon ng magandang option ni Philippine National Police chief Archie Gamboa ang may 357 pulis na sinasabing sangkot sa illegal drug trade na magbitiw na lamang sa kanilang tungkulin kaysa maharap sa matinding kahihiyan.
Hinimok ni Gamboa ang mga pulis na kabilang sa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-early retirement na lamang bago pasimulan ng PNP ang adjudication at validation sa 357 pulis na kasama sa naturang listahan para malaman kung sino talaga sa mga ito ang sangkot sa ilegal na droga.
Ayon kay Gamboa, “If you don’t want to embarrass yourself, if you are guilty at sa tingin niyo eh with the composition now of those who will evaluate nakikita niyo na di kayo makakalusot, if you want peace of mind then we offer you optional retirement.”
Kumambyo naman ang opisyal na hindi mangangahulugan ng pag-amin sa kasalanan kung magreretiro nang maagaang isang pulis.
“Wala naman kayong kaso. After the evaluation… Kapag not cleared we will pursue a case against you. We will apply the full force of the law to you.”
Sinabi pa ni Gamboa na hindi lahat ng nasa narcolist ay maituturing na otomatikong guilty dahil base lang ito sa mga report at intelligence information.
Ito aniya ang dahilan bakit kailangang sumailalim sa adjudication at validation ang mga nasa listahan.
Nabatid na may 14 pulis ang naghain na ng kanilang early retirement. JESSE KABEL