GIIT SA KAMARA: DH SA ABROAD HANGGANG 2025 NA LANG

(NI BERNARD TAGUINOD)

NANGANGARAP ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na hindi na magpapadala ang Pilipinas ng mga unskilled workers sa ibang bansa dahil naabuso ang mga ito lalo na ang mga House Service Workers (HSW) o Kasambahay.

Sa isang panayam kay House labor committee chairman Eric Pineda, isiniwalat nito na may plano ang gobyerno na sa loob ng 5 taon ay ititigil na ang pagpapadala ng HSWs.

“I think we have a plan that after 5 years (na hindi na magpapadala ng HSWs),” ani Pineda subalit hindi nito nagbigay ng karagdagang impormasyon ukol planong ito ng gobyerno.

Ginawa ni Pineda ang nasabing pahayag kasuno ng pagkamatay ni Jeanelyn Villavende sa kamay ng kanyang employer sa Kuwait kahit may kasunduan na ang Pilipinas at ng nasabing bansa na protektahan ang kapakanan ng mga OFW.

Hindi aniya malayong mangyari ang pangarap na ito ng bansa lalo na’t gumaganda aniya ang takbo ng ekonomiya kaya tiyak na dadami ang mga trabaho sa Pilipinas sa mga susunod na mga panahon.

Sinabi ng mambabatas kaya napipilitan ang mga OFWs na umalis ng bansa at makipagsapalaran sa ibayong dagat ay dahil wala silang makitang trabaho at maayos na suweldo sa Pilipinas.

“Kung marami tayong trabaho dito sa atin, talagang hindi aalis ang mga iyan,” ayon pa sa kongresista.

Samantala, hihilingin umano ni Pineda sa liderato ng Kamara para payagan ang mga ito na magsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Villavende upang alamin kung ano ang nangyari sa kasunduan ng Pilipinas at Kuwait.

Magugunita na nagkaroon ng kasunduan ng dalawang bansa para sa proteksyon ng mga OFWs sa Kuwait matapos patayin at ilagay sa freezer ng kanyang amo ang OFW na si Joanna Demafelis.

 

200

Related posts

Leave a Comment