(NI BETH JULIAN)
GOODBYE gutom.
Ito ang prioridad ng administrasyong Duterte sa huling tatlong taon nito sa panunungkulan.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, iba’t ibang mga ahensya ang magtutulungan upang supilin ang kagutuman sa bansa sa taong 2030.
Nakaumang na sa ngayon ang #GoodbyeGutom sa binabalangkas na Expanded Partnership against Hunger and Poverty (EPAHP) ng pamahalaan.
Bagaman ayon kay Nograles, ramdam na ang epekto ng mga programa upang ibsan ang pananalasa ng gutom sa buong bansa, pinagtitibay ng pinakahuling mga datos na “kailangan pang mas lalong paigtingin ang kasalukuyang ginagawa sa ikalawang bahagi ng pangasiwaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.”
Batay sa June 2019 survey ng SWS, 35 percent ng pamilyang Filipino ang itinuturing ang kanilang mga sarili bilang “Food Poor” o hirap sa pagkain. Mas mataas ng 8 percentage points mula sa naitalang “record low” na 27 percent noong Marso 2019.
Gayunman, bago pa man lumabas ang resulta ng nasabing survey, sinabi ni Nograles na nagbigay na ang Pangulo ng direktiba sa Gabinete na “pag-isahin ang iba’t ibang mga inisyatibo ng mga ahensya ng gobyerno laban sa kagutuman at kahirapan para mas maging epektibo at iahon ang maraming Pilipino, lalo na ang mga bata.
“Milyun-milyong mga bata ang napapakain ng ating mga feeding program pero sa kabila nito ay marami pa rin tayong dapat abutin. Marami pa tayong dapat gawin upang tiyakin na bawat isang batang Pilipino ay sapat ang tamang pagkain hanggang masabi natin ang #GoodbyeGutom.” wika ni Nograles.
Sa ginanap na Pre-SONA forum sa Cebu, inihayag ng mga Kalihim na kasapi ng Human Development and Poverty Reduction Cluster na mula 2018 hanggang 2019, 3.6 milyong mga bata ang nakinabang sa mga feeding programs ng gobyerno.
Sa talaan, sa schoolyear 2018-2019, 2.1 milyong mga “undernousrished” na mga bata ang napakain sa mga paaralan at nasa 4.29 milyong mga bata ang nabigyan ng “cash subsidies” para sa pagkain mula sa 4Ps ng gobyerno.
Sinabi ni Nograles na para lalo pang paigtingin ang mga inisyatibo ng pamahalaan laban sa kagutuman, sa ilalim ng Expanded PAHP, magdaragdag ng mga bagong kasaping ahensya mula sa kasalukuyang mga katuwang na departamento gaya ng Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform at Department of Social Welfare and Development.
Kinabibilangan ng Department of Education, Department of Health, Department of the Interior and Local Government, Department of Science and Technology, National Nutrition Council, National Youth Commission at Landbank of the Philippines ang bubuo sa bagong Expanded PAHP.
“Gagamitin natin dito sa pinalawak na pagtugon sa kagutuman ang ‘whole-of-government approach’ na ating napakinabangan sa iba pang mga epektibong inisyatibo ng pamahalaan,” paglilinaw pa ni Nograles.
288