(NI NOEL ABUEL)
SINUSUBOK umano ng ride hailing transport network na Grab ang pasensya ng kanilang mga pasahero, dahil sa dami ng usaping kinasasangkutan nito.
Ito ang galit na pahayag ni Senador Imee Marcos matapos ulanin ng reklamo ang Grab dahil sa lampas-dobleng singil sa pasahe gayong nakipagkasundo ito sa gobyerno na lilimitahan ang fare hike ngayong Disyembre sa 22.5 porsyento lamang.
“Monopolisado ng Grab ang ride-hailing service kaya nila nagagawa ito. Dapat maging mapagbantay tayong lahat lalo na ang mga nasa gobyerno at huwag palusutin nang basta na lang ang mga pang-abusong ito,” pahayag ni Marcos.
Aniya, isang buwan pa lang ang nakalipas nang iutos ng Philippine Competition Commission na ibalik ng Grab sa kanilang mga customer ang P23.5 milyon na sobrang singil nito sa pasahe.
Sa pinakitang screenshot ni Marcos, ang biyaheng isang kilometro lamang na dati ay sinisingil nang wala pang P100 ay P245 na ngayon sa GrabCar o P231 hanggang sa P346 naman sa GrabTaxi.
Paliwanag pa nito na dapat maipaliwanag ng Grab kung bakit mataas ang singil nito ngayong panahon ng Kapaskuhan maliban pa sa halos pahirapan ang pag-booking.
159