GSIS GM NAG-RESIGN; ‘DI KO ISINUKO ANG INTEGRIDAD KO — ARANAS

aranas12

(NI BETH JULIAN)

NAGBITIW na sa puwesto si Government Service Insurance System (GSIS) President at General Manager Jesus Clint Aranas sa paniniwalaang ito ang kanyang nararapat gawin matapos paglingkuran umano nang buong tapat ang kanyang pamunuan.

Kinumpirma ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang pagbibitiw ni Aranas ngunit hindi pa malinaw kung tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resignation.

Bagaman wala namang ibinigay na dahilan ang Malacanang sa pagbibitiw, nakapaloob sa liham ni Aranas na sinunod niya ang batas at hindi isinuko ang kanyang integridad.

“I resign, secure in the knowledge that I have unwaveringly advanced the interest of GSIS and its members in discharging the functions of all laws and never once compromising my integrity or that of the office I now relinquish,” bahagi ng liham ni Aranas na may petsang June 2, 2019.

Noong November 7, 2017 nang italaga ni Pangulong Duterte sa GSIS si Aranas na galing sa Bureau of Internal Revenue bilang Deputy Commissioner.

Bago ang pagbibitiw ni Aranas, nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan sa International Container Terminal Services, Incorporated dahil sa plano ng GSIS na ibenta ang 672,645-square meter property sa Manila North Harbor na nasa ilalim ng operasyon ng ICTSI.

Kinuwestiyon ng ICTSI ang plano at nanindigan  na mababalam ang ilang proyekto sa lugar.

Bago maitalaga sa GSIS, si Aranas ay Bureau of Internal Revenue (BIR) deputy commissioner kung saan nakabangga din umano ang hepe nito na si Commissioner Cesar Dulay.

Si Aranas din ang national treasurer ng national political party ng Pangulo sa PDP-Laban.

 

172

Related posts

Leave a Comment