Guadiz ‘napag-utusan’ lang – whistleblower KORUPSYON SA LTFRB ABOT SA MALAKANYANG

MAY matataas na opisyal na nakikinabang sa korupsyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ito ang ibinunyag ng dating executive assistant ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na si Jeff Tumbado nang humarap sa media kamakalawa.

Ayon kay Tumbado, nagsimula noong Marso ngayong taon ang talamak na korupsyon sa ahensya para makakuha ng permit, prangkisa at iba pa.

Inamin ni Tumbado na siya ang nag-aasikaso ng mga permit sa halagang P5 milyon pero hindi lang taga-LTFRB ang nakikinabang kundi hanggang sa Malakanyang.

Binanggit ni Tumbado na may mga hawak siyang ebidensya ng korupsyon sa LTFRB at ihaharap niya ito oras na maisampa ang kaso sa mga sangkot na opisyal.

Naniniwala naman ang dating assistant ni Guadiz na napag-utusan lamang ito lalo pa’t umaabot aniya sa Department of Transportation (DOTr) at Malakanyang ang pakinabang mula sa mga katiwalian.

Kaugnay nito, naniniwala si Senador Grace Poe na dapat suspendihin ang implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) dahil sa nabunyag na katiwalian.

“Sa gitna ng sinasabing korapsyon sa LTFRB, nananawagan tayo sa Department of Transportation na pansamantalang isuspendi ang implementasyon ng PUV Modernization Program (PUVMP) hangga’t hindi nareresolbahan ang isyu,” ayon kay Poe.

Agad namang sinuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa puwesto si Guadiz III sa gitna ng usapin ng korupsyon sa ilalim ng kanyang panunungkulan.

Sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na ipinag-utos ng Pangulo ang agarang imbestigasyon sa usapin lalo pa’t hindi nito kinukunsinti ang anomang maling pangangasiwa sa kanyang administrasyon.

Hayagan din nitong kinokondena ang pagsisinungaling at pandaraya sa public service.

Dahil sa alegasyon ng korupsyon, inihayag ng grupong Manibela na maglulunsad sila ng transport strike sa Oktubre 16 bilang protesta. Hihilingin din ng grupo na mapalawig ang deadline sa extension ng prangkisa ng mga traditional jeepney na nakatakdang matapos sa Disyembre 31, 2023.

Hindi umano sila titigil sa transport strike hangga’t hindi nagbibitiw sina Guadiz, Transportation Secretary Jaime Bautista at iba pang sangkot sa korapsyon.

(CHRISTIAN DALE)

210

Related posts

Leave a Comment