IBINUNYAG ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na hindi madaling gawin ang cloud seeding, na nakikitang solusyon para mapahupa ang nararanasang dry spell bunsod ng El Niño phenomenon kung saan gagastos ng aabot sa halos P20 milyon para sa dalawang buwang operasyon.
Sinabi ni NDRRMC spokesperson Director Edgar Posadas na maraming factors ang dapat na ikonsidera sa pagsasagawa ng cloud seeding, o ang proseso kung saad ibinubuhos ang asin sa mga ulap para magresulta sa pag-ulan.
Isa umano rito ay dapat na makapal ang ulap na pagtataniman ng asin, gayundin ang schedule ng eroplano.
Gayunman, sinimulan na umano ang cloud seeding schedule noong Marso 14 hanggang Mayo 21 upang tugunan ang El Nino phenomenon.
Ang P18.3 milyong pondo na kailangan sa cloud seeding ay huhugutin naman sa pondo ng Department of Agriculture.
Una nang sinabi ni Agriculture Secretary Manny Pinol na noong nakaraang taon pa pinaglaanan ng pondo ang cloud seeding matapos makita na ang epekto ng El Nino noong nakaraang taon.
Samantala, sinabi ng National Irrigation Administration na ang cloud seeding umano ay dapat maging “last resort” lamang sa pagresolba sa problemang hatid ng tagtuyot sapagkat napakamahal ngang proseso ito at depende rin sa napakaraming factors upang ito ay maging successful.
Batay sa huling situation report ng NDRRMC na inilabas noong Marso 16, papalo na sa P869 million ang danyos na naitala dahil sa El Niño.
140