Hanggang P100 lang P350 UMENTO SA SAHOD MALABO

MISTULANG inalisan na ng pag-asa ng isang mambabatas sa Kamara ang mga manggagawa sa P350 dagdag na sahod matapos bigyang katwiran na maliliit na negosyante na maaapektuhan.
Bagaman naliliitan ang Kamara sa P100 na umento na ipinasa ng Senado sa ikalawang pagbasa, may agam-agam ang mga ito dahil ang mga negosyante lalo ang maliliit ang magdurusa.

Sa press conference kahapon sa Kamara, pinuri ni House deputy majority leader Janette Garin ang ipinasang panukala ng Senado na nakatakdang pagtibayin sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na linggo.

“We congratulate Senate na naipasa nila ang one hundred pesos wage hike. Yan nga ay patuloy na deni-deliberate dito sa Kongreso kasi maganda ang intention pero parang mababa ang one hundred,” ani Garin.

“Kasi sa mataas na bilihin ngayon, parang hindi siya sang-ayon sa pangangailangan ng taumbayan. Mas mabuti sana kung mas mataas yun sa kasalukuyang inaaral ng Kongreso (Kamara),” dagdag nito.

Ani Garin, nais ng kapulungan na itaas sa P350 ang umento sa arawang sahod ng mga manggagawa sa buong bansa ngunit hindi umuusad ang panukala dahil kailangan aniyang ibalanse lalo na’t ang tatamaan ay ang mga Small and Medium Enterprise (SME) na katumbas ng 99% sa mga negosyo sa bansa.

“Magandang gumawa ng batas pero mahirap magpaasa kung walang pag-asa. Kasi kung itinaas natin ang sweldo dapat nun kaya ng mga negosyante. Eh sa Pilipinas, 98 to 99 percent of business sectors are SMEs, maliliit na negosyante,” paliwanag ni Garin.

Aminado ang mambabatas na maganda ang intensyon ng panukala subalit malaking tanong kung maipatutupad ang P30 wage hike dahil hindi naman gobyerno ang magpapasahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor kundi ang mga negosyante.

Hindi aniya dapat maging dahilan ang Kongreso para magsara ang maliliit na negosyante kaya kailangang ikonsidera ang kalagayan ng karamihan sa mga ito lalo na’t labis silang naapektuhan noong panahon ng COVID-19 pandemic.

(BERNARD TAGUINOD)

75

Related posts

Leave a Comment