Hirit ng PECO sa ERC na balik-operasyon hinarang SISTEMANG PALPAK ‘WAG IBALIK – MORE

HINARANG ng distribution utility na More Electric and Power Corp. (MORE Power) sa Energy Regulatory Commission (ERC) ang inihaing motion for reconsideration (MR) ng Panay Electric Company (PECO) na humihiling na maibalik ang kanilang Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN) na una nang kinansela at pinawalang bisa.

Sa inihaing komento ng MORE Power sa apela ng PECO sa ERC, iginiit nito na wala nang dahilan para ibalik ang operational permit ng PECO dahil napaso na rin ang kanilang legislatve franchise gayundin kanselado na ang kanilang business permit mula sa Iloilo City government.

“Iloilo City Government has revoked PECO’s business permit, making PECO’s activities related to the operation of the distribution system highly illegal. PECO likewise does not have a franchise and is no longer a legitimate CPCN holder,” nakasaad sa mosyon ng MORE Power.

Binatikos din nito ang dilatory tactics umano na ginagawa ng PECO para mapigilan ang full takeover ng MORE Power sa Iloilo City bilang solong Distribution Utility sa pamamagitan ng pagsasampa ng expropriation case at legal cases sa iba’t ibang korte sa bansa.

Noong Pebrero, 2019 ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte at isinabatas ang Republic Act 11212 na nagbibigay ng legislative franchise sa MORE Power na maging solong magseserbisyo ng kuryente sa Iloilo City habang noong Setyembre 2019 ay tuluyang kinansela at hindi na ni-renew ng Kongreso ang prangkisa ng PECO dahil na rin sa isyu ng mga kapalpakan nito, ang kawalang prangkisa ng PECO ang nagbigay daan para tuluyan na rin bawiin ng ERC ang inisyu nitong CPCN sa kumpanya.

Sa ngayon ay nakabinbin sa ERC ang motion for reconsideration ng PECO sa pagkansela ng kanilang CPCN.

Iginiit ng MORE Power na kung ibabalik sa PECO ang kanilang CPCN ay babalik din ang ‘bulok’ na pamamahala sa power distribution system sa lalawigan.

Sinabi ni MORE Power Spokesperson Jonathan Cabrera na sa huling taon ng pamamahala ng PECO bago tuluyang makansela ang kanilang prangkisa ay lalo nitong napabayaan ang kanilang distribution facilities kung saan wala nang nagawang mga maintenance works at rehabilitation dahil na rin sa tumutok na ang kumpanya sa pagsasampa ng iba’t ibang kaso sa korte.

“During that one-year period PECO ran the distribution to the ground with little or no rehabilitation or maintenance.

Many parts of the aging system were overheating and bursting into flames on a regular basis. PECO’s failure to do preventive maintenance left the distribution system rotting and a ticking time bomb,” ayon kay Cabrera.

Ipinaliwanag din ng MORE Power sa ERC na ang nararanasang power interruptions sa ngayon ay resulta ng kanilang ginagawang preventive maintenance operations kabilang na ang pagsasaayos ng 5 substations at pagpapalit ng mga depektibong transformers, taliwas umano ito sa alegasyon ng PECO na ang nangyayaring brownout ay resulta ng kawalang kasanayan o expertise ng bagong kumpanya.

May sapat din umanong tauhan ang MORE Power na nangangasiwa sa operations unit nito. Sa kabuuan ay nasa 122 personel ang nakatalaga sa technical operations kasama ang 61 PECO personnel na kanilang inabsorbed.

Ayon kay Cabrera, ang mga negatibong isyu na ipinupukol sa MORE Power ay galing lamang din sa kampo ng PECO, kung titignan umano ang kanilang technical readiness ay mapatutunayan na handa ang kumpanya para i-takeover ang buong distribution system sa Iloilo City at nakatitiyak na makapagbibigay nang maayos na serbisyo sa consumers nito.

Tinukoy pa nito ang report ng technical inspection team mismo ng ERC na nagsasabi na kanilang naberipika ang full readiness at capability ng MORE Power pagdating sa development, operation at maintenance ng distribution system.

Dati nang pinabulaanan ng PECO ang mga alegasyon ng MORE Power laban sa kanila tulad ng mga lumang poste na madalas

umanong pagmulan ng sunog.
Pinasubalian din ng PECO ang bintang na sila ang ugat ng mga blackout sa buong Panay.

137

Related posts

Leave a Comment