KABATAAN PINASUSUPORTA SA TRANSPORT STRIKE

UMAPELA ang kinatawan ng Kabataan party-list sa Kamara sa mga kabataan at estudyante na suportahan ang isang linggong transport strike na ikinasa ng iba’t ibang transport group laban sa pag-phase out sa mga tradisyunal na pampasaherong jeep.

Ayon kay Rep. Raoul Manuel, kailangang suportahan ang mga Public Utility Jeepney (PUJ) operators at drivers kapag tuluyang pinuwersa ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang modernisasyon sa kanilang hanay.

Nilinaw ni Manuel na wala silang tutol sa pagmodernisa sa PUJ subalit kailangang tiyakin na abot kaya ng mga PUJ operator at driver ang sasakyan na pilit na ibinebenta sa kanila.

“Kabataang estudyante at manggagawa ang pangunahing nakikinabang sa serbisyo ng mga tsuper. Di natin sila iiwanan. Karapatan nila na ipaglaban ang kanilang kabuhayan sa gitna ng pandemya at matinding inflation,” ayon sa mambabatas.

Sa ngayon ay mahigit P2.4 milyon aniya ang bawat unit ng bagong sasakyan na nais ipalit ng Marcos administration sa mga tradisyunal na jeep na hindi kaya ng drivers at operators.

Unang ikinasa ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang PUJ modernization na ayon kay Manuel ay walang ibang makikinabang kundi ang supplier ng mga modernong sasakyan.

“Huwad na modernisasyon ang balak na Jeepney Phaseout ng Duterte admin na ngayon ay pinagpapatuloy ni Marcos Jr.,” ayon pa sa mambabatas.

Nakatakdang isagawa ang transport strike sa Lunes, Marso 6 na magtatagal ng isang linggo kasunod ng desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hanggang Hunyo 30, na lamang ang prangkisa ng mga natitirang tradisyonal na hindi pa namomodernisa.

Sa pagtaya ni Albay Rep. Joey Salceda, 1.2 million commuters sa National Capital Region (NCR) pa lamang ang maaapektuhan sa transport strike na ito na posibleng makaapekto rin sa lugmok nang ekonomiya ng bansa. (BERNARD TAGUINOD)

364

Related posts

Leave a Comment