KAMARA KINALAMPAG NA MANINDIGAN VS POGO

MULING pinag-initan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) na patuloy pa ring namamayagpag sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa kanyang privilege speech, kinalampag ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., ang liderato ng Kamara na manindigan at tuluyang buwagin ang POGO operations sa bansa dahil walang mabuting idinudulot ito sa bansa kundi perwisyo dahil sa iba’t ibang krimeng kinasasangkutan ng mga operator nito.

“Mga kaibigan. Mga kasama. Mr. Speaker, the time has come to finally shut the door to POGOs and ensure the safety and moral standing of our nation,” apela ng mambabatas sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso.

Ginawa ni Abante ang pahayag kasunod ng raid sa isang POGO hub sa Pasay City kamakailan kung saan natuklasan na hindi lang nagpapasugal ang mga dayuhang operators kundi nag-o-operate din ang mga ito ng prostitusyon.

May natuklasan din umanong torture chamber sa ni-raid na POGO hub sa Pasay City at sangkot din ang mga ito sa kidnapping, kaya kailangan na aniyang isara nang tuluyan ang operasyon ng mga ito dahil sa perhuwisyong dinadala ng mga ito sa bansa.

“Nakita na po natin, POGOs have brought a myriad of problems to our country. It has become a breeding ground for corruption, immorality, and illicit activities: prostitution, drugs, and modern-day slavery,” ayon pa kay Abante.

Natuklasan aniya na ang Chinese nationals na nagpapatakbo ng POGO hubs sa bansa ay naparaming escort at bodyguards na galing umano sa Armed Forces Philippines (AFP) at at Philippine National Police (PNP).

Bukod dito, nakakuha umano ng kopya ng Memorandum No. 2023-004 sa Bureau of Immigration (BI) na nag-aatas sa Legal Division ng ahensya para alisin ang pangalan ng 40,000 dayuhan na pawang Chinese nationals, sa BI Alert list.

Lalong nakababahala aniya na maraming Chinese nationals ang may Philippine passport, dahil nakakuha ang mga ito ng driver’s license at birth certificates na posibleng bunga ng katiwalian sa gobyerno.

(BERNARD TAGUINOD)

171

Related posts

Leave a Comment