KAMARA TIKLOP SA IMPEACH SARA

(BERNARD TAGUINOD)

ITINANGGI ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang ipinakakalat ni dating presidential spokesperson Harry Roque na nakatakda umanong ma-impeach si Vice President Sara Duterte.

Sa press conference kahapon sa Kamara, pawang itinanggi nina La Union Rep. Paolo Ortega, Ako Bicol party-list Rep. Raul Angelo Bongalon at Lanao de Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang alegasyon ni Roque.

“Walang ganyang napag-uusapan. Baka marumi lang ang crystal ball (ni Roque). Kailangan sigurong linisan nang konti,” ani Ortega.

Sa social media post ni Roque, sinasabi umano ng kanyang crystal ball na “they decided to move against VP Sara and may soon impeach her. They’re in the wrath of the people, good luck”.

Ginawa ni Roque ang pahayag matapos buuin ng Kamara ang Quad-Committee na mag-iimbestiga kung sino ang protektor ng Chinese mafia na nasa likod ng illegal drugs, Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at maging ang extrajudicial killing noong panahon ng war on drugs kung saan natuklasan umano ng Kapulungan na ang reward ibinibigay sa mga pulis sa bawat mapapatay nilang suspek sa droga ay galing sa nasabing na sugal.

Hindi naman magtataka umano si Bongalon kung may maghahain ng impeachment case laban kay Duterte subalit sa ngayon ay walang nabanggit na ganitong isyu mga pulong sa Kapulungan sa ngayon.

“Wala naman po kaming naririnig. But it will not be a surprise if somebody would file an impeachment case against the Vice President. Hindi naman po kataka-taka at hindi naman po tayo mabibigla kung may ibang grupo or indibidwal na gustong panagutin ang ating Bise Presidente through a filing of impeachment but sa ngayon wala akong naririnig dito sa Kongreso o saan man,” ani Bongalon.

“Sa ngayon ay mananatiling tsismis ang kanyang (Roque) post,” dagdag pa ni Bongalan habang pinayuhan naman ni Adiong ang publiko na dapat matutong sumuri kung ano ang balita at kung ano ang marites.

“Palagay ko po masyado na tayong nagrerely sa mga tsismis. Hindi ko lang alam kung ano ang intensyon really. Maybe to preempt the results of the investigation (ng Quad-Comm) or somehow divert the attention, make this issue political,” ani Adiong.

Si Roque ay kabilang sa iniimbestigahan sa kanyang koneksyon sa Lucky South 99 POGO at maging ang pag-upa ng Chinese nationals sa kanyang bahay sa Tuba, Benguet na konektado umano sa nasabing sugal kung saan ang isa sa mga ito ay nasa red notice list ng International Police (Interpol).

49

Related posts

Leave a Comment