KONGRESO POWER TRIPPING SA MGA HEARING

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

BINUWELTAHAN ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque ang mga kongresista at inakusahang nagpa-power trip ang Kamara sa isinasagawang pagdinig sa ilang isyu.

Sa 14 minutong video sa kanyang social media account nitong gabi ng Lunes, nagpakita sa publiko si Roque at nagmatigas na hindi susuko sa Kamara.

Ito ay matapos siyang ituring na pugante ng mga mambabatas matapos siyang hindi matunton ng House Sergeant-at-Arms sa pakikipagtulungan ng PNP nang isilbi ang arrest order ng Kamara sa kanyang law firm office sa Makati city at dalawang tirahan sa Metro Manila.

Kaugnay ito sa pag-cite in contempt sa kanya sa ikalawang pagkakataon sa Quad Committee hearing noong Setyembre 12 dahil sa pagtangging magsumite ng mga hinihinging dokumento para ipaliwanag ang paglobo ng kanyang yaman na iniuugnay sa operasyon ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Sa naturang video, nanindigan si Atty. Roque na hindi siya pugante sa batas dahil wala umano siyang nilabag.

Sa pagdinig ng QuadComm noong Agosto 22, sinabi ni Roque na nanggaling ang lumagong yaman nito sa pagbenta ng kanilang family property na isa na ngayong Multinational Village sa Parañaque City na isang 1.8 hectare property na kanilang ibinenta sa halagang humigit kumulang P216 million sa Velarde group.

Samantala, sinabi ni Batangas Second District Rep. Gerville Luistro na nakitaan ng overwhelming circumstantial evidence ng QuadComm sa koneksyon ni Roque sa sinalakay na POGO na Lucky South Corporation sa Porac, Pampanga.

67

Related posts

Leave a Comment