KONTRATA NG MAYNILAD, MANILA WATER SISILIPIN SA SENADO

MAYNILAD-MANILA WATER CO2

(NI NOEL ABUEL)

DAPAT managot ang mga opisyales ng Maynilad at Manila Water kaugnay ng sunud-sunod na krisis sa tubig ng  halos 15-milyong consumer sa Metro Manila at karating lalawigan.

Ito ang sinabi ni Senador Imee Marcos kung saan dapat aniyang mapanagot ang nasabing mga water concessionaires.

Ginawa ni Marcos ang panawagan sa abiso ng Maynilad at Manila Water companies na magpapatupad ang mga ito ng araw-araw na rotational service interruptions sa mga konsyumer simula ngayon, Oktubre 24.

Giit ni Marcos na dapat pinaghandaan ng dalawang water concessionaires ang nasabing krisis dahil sapul nito ang mga mahihirap na konsyumer.

“Kawawa naman ang mga mahihirap na pamilya at ang mga maliliit na negosyo, gaya ng karinderya, car wash at laundry shops na gumagamit ng tubig sa araw-araw,” pahayag ni Marcos.

Sinabi ni Marcos na ito na ang pangalawang pagkakataon na mararanasan ang krisis sa tubig sa Metro Manila at karatig probinsya na tumama nitong nakaraang panahon ng tag-init.

“Di ba nasabon at binalaan na sila ni Pangulong Duterte na ite-terminate ang concession agreements noong Marso dahil sa kapalpakan nila, pero ngayon wala pa rin silang solusyon sa problema sa tubig. Alam naman nila na may kakulangan sa suplay nito. Bakit ang mga tao ang babalikat ng sakripisyo?” galit na pahayag ni Marcos.

Idinagdag pa nito na pwedeng silipin ng Senado ang concession agreements ng dalawang water companies na binigyan ng exclusive rights ng pamahalaan na i-operate at i-maintain ang water utilities sa loob ng ilang taon.

Nakalatag sa nasabing kasunduan ang mga panuntunan para makapag-operate ang Manila Water at Maynilad at makarekober ng kanilang investment.

Apektado ng water crisis ang may 15-milyong kustomer ng Maynilad at Manila  Water sa mga  lungsod ng Mandaluyong, Maynila, Marikina, Navotas, Muntinlupa, Malabon, Makati, Las Piñas, Caloocan, Valenzuela, Parañaque, Pasay, Quezon City. Kabilang din ang mga lalawigan ng Rizal, Cavite at Meycauayan Bulacan.

 

128

Related posts

Leave a Comment