LAND GRABBING PALALALAIN NG ROW BILL

NANGANGAMBA ang isang mambabatas sa Kamara na lalong lalala ang land grabbing sa ipinasang Right of Way (ROW) Bill na naglalayong pabilisin ang pagbili ng lupa at ari-arian na dadaanan ng mga proyekto ng gobyerno.

Sa botong 239 pabor at 3 ang kumontra, tuluyang pinagtibay sa ikatlo at huling pagbasa sa plenaryo ng Kamara ang House Bill (HB) No. 6571 o The Right-of-Way Act na inakda ni Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr.

“Nangangamba ang Kabataan na ang mga amyenda sa Right of Way Act ay magpapalala ng land grabbing at panggugulo sa buhay, kabuhayan at kultura ng ating mga kababayang Pilipino,” ani Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na isa sa tatlong bumoto ng ‘No’ sa nasabing panukala.

Kabilang aniya sa mga maaapektuhan dito ang national minorities dahil sa ayaw at sa gusto ng mga ito ay ibebenta nila ang kanilang lupain na dadaanan ng mga proyektong itatayo sa ilalim ng Build Better More Program ng rehimen ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Subalit ayon kay Gonzales, hindi madedehado ang mga may-ari ng mga ari-arian at lupain na masasagasaan sa proyekto ng gobyerno dahil sa ipinasok na probisyon na bibilhin ang mga ito sa umiiral na halaga o ang tinatawag na market value na idedeklara ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

“Upon execution of the deed of sale, the implementing office shall pay the landowner 100 percent of the agreed price provided that the title to the property is clean,” ani Gonzales dahil sa kasalukuyan ay 50% lamang ang natatanggap ng mga may-ari ng lupa at hulugan na ang natitirang halaga.

Kapag ang mga lupa na kailangan sa proyekto ay kasama sa mga ilegal na tinirhan ng mga tao ay bibigyan ang mga ito ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ng lugar na paglilipatan.

Sinabi ng mambabatas na kailangan ang nasabing panukala dahil maraming proyekto ang hindi naipatutupad o nababalam dahil sa usapin ng right of way dahil dehado umano ang mga may-ari ng lupa na kukunin ng gobyerno para sa itatayong proyekto. (BERNARD TAGUINOD)

106

Related posts

Leave a Comment