(NI DANG SAMSON-GARCIA)
KINALAMPAG ni Senador Imee Marcos ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay sa samu’t saring reklamo ng mga pasahero ng Grab.
Iginiit ni Marcos na hindi tama na dahil nagsosolo ang Grab ay aabusuhin na ang mga pasahero.
“Napakahirap naman nito, nakakainis. Sana may ibang pumasok. ‘Yung iba raw binigyan ng permit pero ‘di pa nag-ooperate kaya walang kalaban si Grab,” saad ni Marcos.
“The best kung may competition pero i-report natin sa LTFRB kasi sumusobra na sila,” dagdag pa ng senador.
“Talagang wala kang choice kundi mag-Grab. Talagang piyesta sila, hindi dapat ganyan. Huwag nilang sinasamantala ang Pasko. Talaga namang nakakainis,” giit pa ng senador.
Maging ang nakakulong na mambabatas na si Senador Leila de Lima ay bumanat sa Grab at iginiit na hindi sapat ang paghingi ng ibayong pag-unawa sa mga pasahero.
“My appeal to Grab is this: Asking your users for more patience is not enough. Ensure you are fully committed to the rights of your consumers. Do not take them for a ride with excuses; do not deceive or cheat them,” diin ni de Lima.
“Sa kabila ng mas mahal na pamasahe, marami nating kababayan ang gumagamit ng mga ganitong app para makaiwas sa kalbaryong dulot ng napakabigat na traffic, para hindi ma-late sa trabaho, makaltasan ng sweldo, mapagalitan ng boss, at lalo na, para makauwi nang mas maaga at makapiling ang pamilya. Suklian naman sana ang pagtangkilik na ito ng malasakit, maayos at makatarungang serbisyo para sa kanila.,” dagdag pa nito.
Nananawagan din ang senador sa mga awtoridad na masusing bantayan ang operasyon ng Grab at tiyaking walang nangyayaring pananamantala.
241