(NI BERNARD TAGUINOD)
RAMDAM na ng mga magsasaka ang masamang epekto ng Rice Tariffication Law dahil hindi na bumalik sa dating presyuhan ang palay na naani nila ngayon.
Ayon kay Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao, dahil sa batas na ito na iniakda nina House Speaker Gloria Macapagal Arroyo at Sen. Cynthia Villar, naba-bankrupt na umano ang may 2.3 million magsasaka sa buong bansa.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil sa Nueva Ecija ay P13 -P14 kada kilo na lamang binibili ang aning palay ng mga magsasak, P16 sa Isabela; P14-P15 sa Laguna at P14 sa South Cotabato.
Malayung-malayo umano ito sa mahigit P20 na bentahan ng dried palay noong nakaraang taon na hindi pa umiiral ang Republic Act (RA) 11203 na ito na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2019 at ipinatupad noong Marso matapos ilabas ang Implementing Rules and Regulations (IRR).
“Bale itong (kasalukuyang anihan) ang unang test sa Rice Tariffication Law at ramdam agad ng mga magsasaka ang bigat ng batas na ito kaya naba-bunkrupt na sila ngayon pa lang,” ani Casilao.
Sinabi ng mambabatas na kahit ang gobyerno ay namimili aniya ng palay ay mababa pa rin umano dahil P18.87 kada kilo ang bentahan kumpara sa mahigit P20 kada kilo noong nakaraang taon.
Maaring bumaba pa aniya ang presyo ng mga palay matapos ianunsyo ng gobyerno na mag-aangkat ang mga ito ng 2.6 million metric ton ng bigas sa ibang bansa ngayong taon.
Dahil dito natatakot ang mambabatas na tuluyang mawalan ng gana ang mga magsasaka na magbungkal ng lupa at magtanim dahil malulugi lamang ang mga ito dahil sa nasabing batas.
692