(NI JG TUMBADO)
NASA 10 na ang bilang ng mga indibidwal na napapatay na may kaugnayan sa eleksyon ngayong 2019.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Col. Bernard Banac sa kanyang press briefing, nitong Biyernes sa Camp Crame.
Bukod sa naturang bilang, nasa 14 katao naman ang nakaligtas sa tangkang paglikida mula Enero 13 hanggang April 30.
Sinabi ni Banac, naitala sa iba’t ibang parte ng bansa ang nabanggit na mga kaso.
Wala aniyang rehiyon ang nakapagtala ng maraming bilang ng marahas na insidente sa nalalapit na eleksyon.
Ang 10 nasawi ay mga kandidato o tagasuporta ng mga kandidato.
Tiniyak naman ng PNP na nakataas pa rin sila sa full alert status at ipakakalat ang nasa 160,000 mga pulis para sa seguridad ng publiko.
Noong buwan ng Marso, pumalo sa 941 na lugar ang ikinonsidera ng PNP bilang election hotspot.
