MALAKANYANG AMINADONG KAPOS ANG TEST KITS

AMINADO ang Malakanyang na may kakulangan ang bansa sa polymerase chain reaction (PCR) test kits.

Ito ay matapos magpahayag ang Palasyo na wala silang nakikitang mali sa proseso ng pagpapauwi sa mga locally stranded individual (LSIs) pabalik ng kani-kanilang mga bayan sa gitna ng panawagan ng mga mambabatas na rebisahin ang Hatid Probinsya (Hatid Tulong) program ng pamahalaan.

Ang problema, ani Presidential Spokesperson Harry Roque, ay wala sa pagpapauwi sa mga LSI pabalik sa kanilang mga bayan kundi ang kakulangan ng PCR test kits.

Ang paliwanag ni Sec. Roque, dahil sa kasalatan sa PCR test kits, tanging medical certificates ang naibibigay sa LSIs bago pa payagan na bumalik ng kani-kanilang bayan.

“Siguro po, wala namang lapses. Ang meron po tayo kakulangan ng testing kits,” ayon kay Sec. Roque.

Aniya, paubos na ang PCR test kits ng local government units (LGUs) dahil ginagamit nila ito sa repatriated overseas Filipino workers (OFWs).

“Napakadami po kasing mga OFWs na umuuwi…Naubos po. Sila po ang gumagamit ng mga testing kits natin na PCR at hindi naman tayo pumapayag na rapid test kits lamang no,” ang pahayag ni Sec. Roque.

Ang PCR test kits, ay ikinukonsiderang “gold standard” sa pag-diagnose ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) infections, ginagamit ito sa ilong at lalamunan na swab samples upang malaman kung ang isang tao ay infected ng coronavirus.

Ang Rapid anti-body test kits naman ay gumagamit ng blood samples na sinasabing ‘unable to detect the virus’ subalit sinusukat naman ang antibodies ng pasyente sa pamamagitan ng sample.

Ang mga test na ito ay ‘still subjected’ sa PCR confirmatory tests. CHRISTIAN DALE

117

Related posts

Leave a Comment