MARTIAL LAW NAMUMURO

(Ni BERNARD TAGUINOD)

Konting panahon na lang ay maisasailalim sa Martial Law ang buong bansa.

Ito ang pinangangambahan ng mga militanteng mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kasunod ng Memorandum Order 32 na nagsasailalim sa State of National Emergency sa Bicol, Negros Occidental at Negros Oriental at Samar.

“Ginagawang tuntungan ang  mga incidents of lawlessness violence sa Negros, Bikol at Samar para bigyang hugis sa pambansang saklaw ang state of emergency na ang pangunahing layunin ay mag deklara ng matial law sa pambansang antas,” ani Anakpwis party-ist Rep. Ariel Casilao.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na matagal nang gustong magdeklara ng Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong bansa subalit hindi niya ito magawa dahil wala ang mga elemento tulad ng pananakop at rebelyon.

Gayunpaman, sinabi ni Casilao na hindi isinusuko ni Duterte ang ambisyon niyang ito kaya ginagamit na lamang umano niya ang lehitimong pakikibaka ng mamamayan para sa lupa at pagsasaka,  sahod, tirahan at iba pang lipunang reporma upang maisagawa ang maitim umano nitong balak.

Maging si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ay kabado sa nasabing kautusan ni Duterte na paigtingin ang presensya ng kapulisan at military sa nasabing mga probinsya.

“It is an apparent prelude to a nationwide martial law declaration. This is the same scenario that was played before in Mindanao,” ani Zarate kaya dapat umanong magbantay ang taumbayan.

Sinabi naman ni Akbayan party-list Rep. Tom Villarin na isang uri ng “mind conditioning” ang nasabing kautusan ni Duterte bilang paghahanda sa mga tao para sa batas militar.

“Ito po ay hindi pangkaraniwang deklarasyon dahil wala namang extraordinary na kaguluhan o lawless violence sa mga lugar na yun. Marahil ito ay bahagi ng mind conditioning sa taumbayan na normal lang ang paggalaw ng military para sa isang peace and order problem na mandato ng PNP at hindi ng AFP,” ani Villarin.

15

Related posts

Leave a Comment