(SAKSI NGAYON NEWS TEAM?
PUPUNTA sa Germany ang dalawang opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para magdeposito umano ng limpak-limpak na salapi.
Ito ang usap-usapan ngayon matapos sabay na magpa-book ng ticket ang dalawang hindi pinangalanang opisyal sa PCSO upang magtungo sa naturang bansa.
Duda ng mga ‘Marites,’ magdedeposit umano ang dalawang opisyal ng multi-million dollar na mula sa katas ng pekeng panalo sa lotto ng PCSO — bagay na dapat sagutin ng naturang government owned and controlled corporations kung totoo ito o hindi.
Matatandaan na naging topic na sa vlog ni Maharlika ang usap-usapan na ‘luto’ ang ilang panalo sa lotto ngayon.
Nabatid na matapos makastigo sa Kamara ang PCSO dahil sa paglobo sa P340 million ang ginastos sa advertisement fund ay natataranta ngayon ang ilang executives sa naturang tanggapan dahil hindi na nila alam kung paano masagot ito at iba pang isyu na bumabalot sa ahensiya.
Kung dati’y nasa P19 million lamang ang gastos sa ads, ngayo’y umabot na ito sa P340 million sa kabila ng katotohanang wala silang kakumpitensiyang ibang kompanya.
Malaking bagay sana para sa ‘basic services’ ng Marcos administration ang nasabing halaga.
Nagtataka si Anakalusugan Party-list Rep. Ray Reyes, kung bakit tumaas sa 1,689 percent ang gastos ng PCSO sa kabila ng ulat na may net loss ito ng halagang P938 million.
Galit din ang mga mambabatas kung bakit inisnab ni PCSO general manager Mel Robles ang nakalipas na budget hearing at sa halip ay ang ipinadala lamang nito para sumagot sa tanong ng mga kongresista ay si PCSO Assistant General Manager Lauro Patiag.
Pakiramdam ng mga kongresista ay nabastos sila ng nasabing opisyal na kilalang malapit kay First Lady Liza Marcos Araneta.
Noong nakalipas na taon ay nasangkot din sa kontrobersiya ang PCSO dahil sa pagkapanalo ng 433 katao sa Grand Lotto 6/55 draw na maghahati-hati sa jackpot prize na P236.091 milyon.
Ang isyung ito ay hindi pa nareresolba, samantalang marami na rin ang nagdududa kung bakit halos araw-araw ngayon ay may tumatama sa lotto na hindi madalas mangyari noong nakalipas na taon.
Palaisipan naman kung sino ang dalawang PCSO executives na lilipad pa-Germany sa susunod na linggo.
Plano rin daw ng mga opisyal na ito na magpa-stem cell sa Germany.
Posible umanong takot mahalukay ng Kamara ang mga katiwalian sa PCSO kaya isini-safety na ang perang nakukurakot dito ng ilang tiwaling opisyal nito.
Bago nito, isang PCSO official din ang umugong naman na may ginagapang na kaso ng isang drug addict sa Department of Justice.
Ang nasabing drug addict ay may criminal case na kinakaharap ngayon sa DOJ.
Kaklase at ka-dyaming umano ng naturang adik ang pamangkin ng PCSO official na isa ring lulong sa ipinagbabawal na gamot.
148