(NI NOEL ABUEL)
UMAPELA si Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go sa Department of Justice (DOJ) na unahin ang pagpapalaya sa mga matatanda at may sakit na inmates sa New Bilibid Prison (NBP).
Sa ginanap na pagdinig sa 2020 budget ng DOJ, ipinarating ni Go kay DOJ Secretary Menardo Guevarra ang panawagan ng mga matatanda at may sakit na inmates na nakasalamuha umano nito noong bumisita sa NBP.
“Sumusulat po ako sa inyong tanggapan upang humingi ng inyong tulong at konsiderasyon. Umaapela po ako sa inyo sa ngalan ng mga presong kasalukuyang nakakulong sa New Bilibid Prison na matanda na at may karamdaman,” sa sulat ni Go kay Guevara.
“Personal ko pong nasaksihan ang kanilang kalagayan at pagdurusa. Hiling ko po sana palayain na sila alinsunod sa ating Saligang Batas upang kahit man lang sa kanilang natitirang araw dito sa mundong ito ay makasama nila ang kanilang mga mahal sa buhay,” dagdag pa nito.
Nitong Setyembre 9 nang personal na bisitahin ni Go ang mga inmates sa NBP sa Muntinlupa City upang beripikahin ang sumbong na lantaran ang bentahan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) at hospital passes sa persons deprived of liberty (PDLs).
Sinabi pa ni Go na suportado nito ng 2020 budget ng DOJ na aabot sa P21.7 billion, o mas mataas ng 0.68% kung ikukumpara sa P21.6 billion budget nitong 2019.
Kasama sa budget ng DOJ ang Bucor na magkaroon ng P478.6 milyon para sa pagbili ng high-tech equipment na gagamitin laban sa illegal drugs sa loob ng NBP.
174