(NI DANG SAMSON-GARCIA)
MAYORYA na ng mga senador ang lumagda sa report ng Senate Blue Ribbon at Justice Committees hinggil sa isyu ng ninja cops na may kinalaman sa anti-drug operation ng mga awtoridad sa Pampanga noong November 2013.
Ayon kay Senador Richard Gordon, 14 sa 17 miyembro ng komite ang lumagda sa report.
“Right now, there are 14 of the 17 members of the blue ribbon committee who have signed. Si (Senator Lito) Lapid hindi pumirma, si (Senator (Leila) de Lima hindi pumirma, si (Senator Francis) Pangilinan pipirma pero nasa Amerika,” saad ni Gordon.
“So that’s very, very solid. Ang nag-imbestiga niyan sina (Minority Leader Franklin) Drilon, (Senate President Vicente III) Sotto, ako, Senator (Panfilo) Lacson,” dagdag nito.
Sa committee report, binigyang-diin na maituturing na ‘very liable’ si resigned PNP chief Oscar Albayalde sa kasong graft na may kinalaman sa mga iregularidad sa drug raid.
Posible aniyang kasuhan si Albayalde ng paglabag sa Section 3 (a) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act nang tangkain nitong impluwensyahan sina Philippine Drug Enforcement Agency director general Aaron Aquino at dating CIDG deputy chief Rudy Lacadin hinggil sa kapalaran ng mga pulis na sangkot sa operasyon.
Iginiit ni Gordon na ang naging aksyon ni Albayalde ay paglabag sa mga regulasyon.
Maaari aniya itong sampahan ng paglabag sa Section 27 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2001 dahil sa naging iregularidad ng kanyang mga tauhan bagama’t wala pang direktang ebidensya laban sa kanya.
Binigyang-diin din ng senador ang pagbibigay proteksyon ni Albayalde sa mga pulis na sangkot sa buy-bust.
Kasabay nito, nagtataka naman si Gordon sa pahayag ni DILG Secretary Eduardo Ano na walang nakitang ebidensya laban kay Albayalde.
“Hindi nila makita ang ebidensiya. Pambihira naman, kitang-kita naman na command responsibility. Hindi lang command responsibility. Idi-dismiss na nga ‘yung mga pulis, e dinemote na lang,” diin nito.
Binigyang diin pa ni Gordon na hindi naman abogado si Año at hindi rin ito ang batas.
412