MGA EMPLEYADO NG SENADO, MAY P50K INFLATION ASSISTANCE

INANUNSYO ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang karagdagang inflation assistance sa mga empleyado ng Mataas na Kapulungan.

Mula sa ayudang P12,200, itinaas ng liderato ng Senado sa P50,000 ang tinatawag nilang inflationary assistance sa mga empleyado na matatanggap sa Agosto ngayong taon.

Bukod dito, itinaas din sa P50k mula sa P30k ang medical assistance sa mga empleyado na makukuha nila sa Setyembre.

Sinabi ni Zubiri na dulot ng mataas na presyo ng mga bilihin, marami sa mga empleyado ng Senado ang nahihirapan sa pang araw araw na gastusin.

Samantala, inanunsyo rin ni Zubiri na pagkakalooban ng P30k sa bawat taong pagseserbisyo ang mga magreretirong Senate employee.

Kinumpirma ni Zubiri na magmumula sa kanilang savings ang ipagkakaloob na assistance sa kanilang mga tauhan.

Iginiit naman ni Zubiri na napapanahon na ang pagkakaloob ng dagdag sahod sa mga manggagawa ng pribadong sektor.

Ayon kay Zubiri, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng inflation sa bansa dapat lamang na magkaroon na ng dagdag na sahod ang mga manggagawa.

Sa ngayon anya ay bitin na bitin ang minimum wage lalo’t lumilitaw na mas mataas na ang living wage sa tinatanggap na sahod ng mga ordinaryong manggagawa.

Sinabi ni Zubiri na dapat maging patakaran sa kahit anong kumpanya ang pagkakaloob ng nararapat na insentibo sa mga manggagawa upang ganado sila sa kanilang mga trabaho.(Dang Samson-Garcia)

166

Related posts

Leave a Comment