MICHAEL YANG PINAAARESTO

PINAAARESTO na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang dating economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang at plano itong ikulong sa Bicutan, Taguig, imbes na sa Batasan Pambansa.

Sa mosyon ni Antipolo City Rep. Romeo Acop na sinegundahan ni Sta. Rosa City, Laguna Rep. Dan Fernandez, inaprubahan ni House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers ang pagpapa-contempt kay Yang dahil sa patuloy na pagbalewala sa imbitasyon ng komite.

Inaprubahan din ng komite ang mosyon ni Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano na ikulong si Yang sa Bicutan City Jail sa Taguig sa loob ng isang buwan kapag naaresto na ito.

Karaniwang ikinukulong sa Batasan Pambansa Complex ang mga nako-contempt na resource persons dahil sa pagsisinungaling subalit nais ni Paduano na ikulong si Yang sa Bicutan City Jail tulad ni San Simon, Pampanga Mayor Abundio Punsalan Jr., na ipina-contempt dahil sa hindi pagsasabi ng katotohanan.

“We will ask the committee secretary to closely coordinate with the agencies involved in the implementation of contempt,” ani Barbers.

Pinababantayan din ng komite sa mga otoridad ang mga daungan at paliparan para maaaresto sakaling bumalik o kaya umalis ng bansa si Yang dahil sa ngayon ay walang ideya ang komite kung nasa labas o nasa loob ito ng bansa.

Base sa hawak ng komite na record of travel ni Yang, umalis ito sa bansa noong May 12, 2024 at pumunta sa Dubai, subalit walang impormasyon kung nakabalik na ito sa bansa.

Samantala, dumalo naman sa pagdinig si dating anti-narcotic cop Col. Eduardo Acierto sa pamamagitan ng zoom kung saan idiniin nito na si Yang kasama ang isang Allan Lim ay mga drug lord sa bansa.

Sinabi ni Acierto, na patuloy siyang nagtatago dahil gusto umano siyang ipapatay ni Duterte dahil sa pagdiin kina Yang at Lim sa illegal drug trade sa bansa partikular na sa Davao kung saan naroon ang drug laboratory ng mga ito.

Inakusahan din nito sina Duterte at Sens. Bong Go at Ronald “Bato” dela Rosa na protektor umano ni Yang kaya hindi pinansin ang kanyang report ukol sa pagkakasangkot nito sa ilegal na droga. (BERNARD TAGUINOD)

39

Related posts

Leave a Comment