(NI BERNARD TAGUINOD)
MISTULANG nawawalan na ng pag-asa ang mga kabataan kay Pangulong Rodrigo Duterte na maresolba nito ang kanilang problema na magkatrabaho kung ang naidagdag ng Pangulo na trabaho sa kanyang unang dlawang taon ang pagbabasehan.
Ayon sa grupo ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago, 4.5 million ang walang trabaho sa bansa ngayon kung saan halos kahalati umano dito ay mga colleges at senior high school graduates.
Gayunpaman, sa unang dalawang taon aniya ng Duterte administrasyon, 81,000 trabaho lamang umano ang naibigay nito sa mga Filipino kaya tila nawawalan na ang grupo ng mambabatas na maresolba ang unemployment sa bansa.
“A stark failure of the program that promised the youth jobs after graduation,” ani Elago na naniniwalang hindi napagtuunan ng pansin ng Pangulo ang problemang ito dahil itinutok nito ang kanyang atensyon sa giyera kontra ilegal na droga at pakikipagmabutihan sa China.
Maliban sa walang trabaho, hindi rin umano natutupad ang pangako ng Pangulo na tapusin ang endo dahil hanggang ngayon ay 27 million manggagawa aniya ang nananatiling contractual workers.
Umaabot din umano sa 20% sa mga manggagawa sa bansa ang underemployed o hindi sapat ang kanilang kikita para mabuhay ang kanilang pamilya dahil limitado ang oras ng kanilang pagtatrabaho.
Ito, aniya, ang mga dahilan kung bakit mayroong mga welga subalit imbes na solusyunan ang problemang ito ay karahasan umano ang isinasagot ng administrasyon sa mga uring manggagawa.
226