(NI NOEL ABUEL)
HINDI kuntento ang ilang senador sa desisyon ng Manila Water na magpatupad ng ‘voluntary and one-time bill waiver’ sa mga pamilyang naapektuhan ng kawalan ng supply ng tubig.
Giit ni Senador Risa Hontiveros na dapat ding bayaran ng Manila Water ang nawala sa mga public hospitals na kabilang din sa naapektuhan ng water crisis.
Sa datos umano ng Department of Health (DoH), sa anim na public hospitals, nawalan ang mga ito ng P4.116 milyon dahil sa water crisis.
Inihalimbawa pa nito na mula Marso 8-18, ang Rizal Medical Center, Quirino Memorial Medical Center, National Kidney and Transplant Institute (NKTI), National Center for Mental Health, East Avenue Medical Center at ang Amang Rodriguez Memorial Medical Center ay nakapagtala ng P1.372 milyong dagdag-gastos.
Habang mula Marso 12-18, ang Rizal Medical Center at ang NKTI ay nalugi ng P630,000 at P1.750 milyon o kabuuang P2.380 milyong na resulta ng paglimita sa mga dumarating na pasyente dahil sa kawalan ng water supply.
Samantala, sinabi rin nito na maituturing na tagumpay sa mga ordinaryong indibiduwal ang desisyon ng Manila Water na huwag munang singilin ang mga ito sa water consumption.
221