Muling inihain sa Kamara WALANG GARAHE ‘WAG BUMILI NG KOTSE

MULING inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na nagbabawal bentahan ng kotse at irehistro ang sasakyan ng isang buyer hangga’t wala itong parking space sa bahay.

Sa kanyang “No Garage, No Car Registration Act” na nakapaloob sa House Bill (HB) No. 31 ni Marinduque Rep. Lourd Allan Velasco, kailangang ipatigil na umano ang pagbebenta at pagrerehistro sa mga sasakyan kung ang may-ari nito ay walang maipakitang pruweba na may pagpaparadahan ito.

Ginawa ng mambabatas ang panukala dahil base aniya sa pag-aaral ng National Economic Development Authority (NEDA), parami nang parami ang mga kotse na nakaparada sa kalsada sa 12 lugar sa bansa.

Kabilang dito ang Metro Manila, Angeles City sa Pampanga, Bacolod, Baguio City, Batangas, Cagayan de Oro, Dagupan sa Pangasinan, Davao, Iloilo, Naga at Olongapo City.

“While traffic congestion can be the result of a myriad causes, the same is exacerbated by car owners who routinely used public roads as parking spaces,” paliwanag ni Velasco sa kanyang panukala.

Dahil dito, kailangan magtayo muna ng garahe ang mga taong gustong bumili ng kotse lalo na sa mga nabanggit na lugar upang maibsan ang trapik na nagiging dahilan para mawalan ng bilyon-bilyong piso ang gobyerno at mamamayan araw-araw.

Iminungkahi rin ni Velasco na ang magpapakita ng pekeng parking space para lang makabili ng sasakyan ay pagmumultahin ng hanggang P50,000 sa bawat paglabag.

Maging ang mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) na makikipagsabwatan sa pagrerehistro ng sasakyan sa mga walang garahe ay sususpindehin ng hanggang 3 buwan na walang bayad.

Para hindi maparusahan, kailangang sadyain ng tauhan ng LTO ang garahe ng nagpaparehistro para matiyak na totoo ang deklarasyon nito. (BERNARD TAGUINOD)

115

Related posts

Leave a Comment