(NI BERNARD TAGUINOD)
Dumarami ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na nabibiktima ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) kaya hiniling ng isang mambabatas na idaan na sa HIV prevention seminar ang mga gustong magtrabaho sa ibang bansa.
Ayon kay ACTS-OFW party-list Rep. Aniceto Bertiz III, 90 OFW ang natuklasang mayroong HIV noong Enero 2019 na mas mataas ng 33% sa 68 na biktima ng nakakahawang sakit na ito sa pamamagitan ng pakikipagtalik na walang proteksyon noong Enero 2018.
“The January cases brought to 6,345 the cumulative number of OFWs found living with HIV since the government began passive surveillance of the virus in 1984,” ani Bertiz .
Katumbas ito ng 10% sa 63,287 na biktima ng HIV na nairekord ng National HIV/AIDS Registry mula 1984 hanggang Enero 2019 kaya hindi maiwasang mabahala ang mambabatas.
Sa nabanggit na bilang ng mga OFWs na mayroong HIV, 86% o 5,471 ay mga lalake na 32-anyos pababa habang 874 ay mga kababaihan na 34-anyos pababa naman.
Lumalabas sa pag-aaral na 72% sa mga kalalakihang OFWs o 2,283 na mayroong HIV ay nakipagtalik sa kapwa lalake at ang 1,651 ay nakipagtalik sa babae at lalake.
Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang natutuklasang gamot para sa HIV bagama’t sa mga nakaraang mga araw ay may mga ulat na may nagamot na umano ang mga eksperto sa ibang bansa.
Tumatagal ang buhay ng mga HIV at AIDS patients dahil sa antiretroviral therapy na nagpapabagal sa virus subalit sinabi ni Bertiz na dapat nang maturuan ang lahat, hindi lamang ang mga OFWs kung papaano makaiwas sa nasabing sakit.
Noong Enero 2019 ay epektibo na ang bagong batas para labanan ang paglaganap ng HIV kaya umaasa ang mambabatas na magagamit na ito ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno lalo na ang Department of Labor and Employment (DOLE) para maturuan ang mga papaalis na OFWs.
“Under the law, the economic, social and medical support is to be extended to all OFWs, regardless of employment status and stage in the migration process. “The preventive education seminar is to be provided for free and at no cost to OFWs or to the staff concerned,” anang mambabatas.
160