HINDI imposibleng magkaroon ng failure of election sa 2025 dahil pinaninindigan umano ng Commission on Elections (Comelec) ang kontratang pinasok ng mga ito sa South Korea based firm na Miru Systems Co. Ltd.
Ginawa ni Rizal Rep. Emigdio “Dino” Tanjuatco III ang pahayag sa gitna ng mga isyu sa pagitan ng Smartmatic at Comelec kaya natatakpan ang tunay na usapin hinggil sa P18 billion contract sa Miru lalo na’t gagamitan ang mga ito ng makina na hindi pinapayagan sa automated election system (AES).
“Eyes on the ball, Filipinos. The Comelec still has to answer many issues on prototype machines and noncompliant systems. Let us not be distracted by all this noise,” panawagan ng mambabatas.
“If the machines fail spectacularly on Election Day in 2025 and the whole country is plunged into chaos, then we only have ourselves to blame for being sidetracked by this circus,” dagdag pa ni Tanjuatco.
Ipinaliwanag nito na ang prototype vote-counting machine (VCM) ng Miru na ginamit sa demo noong Pebrero ay hindi aniya compliant sa term of reference (TORs), hindi lamang ng EAS kundi Automated Election Law.
Ito ay dahil magkahiwalay na makina umano ang gagamitin ng MIRU para sa Direct Recording Electronic (DRE) at Optical Mark Reader (OMR) at susubukan pa lamang ito sa Pilipinas sa susunod na taon.
Paglabag aniya ito sa Section 10 of Republic Act (RA) No. 9369 o Automated Election Law na ang mga makinang gagamitin sa eleksyon ay dapat subok na ang kapabilidad at nagamit na ito sa halalan, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa.
“Imagine if Miru will use the untested DRE-OMR hybrid in our elections next year. We Filipino voters will be guinea pigs, with no certainty that our votes will be collected efficiently and counted correctly,” ayon sa kongresista.
Upang maiwasan aniya na magkaroon ng failure election, bawiin ang kontrata sa MIRU at gamitin ang 97,000 vote counting machines na nasa pangangalaga ng Comelec dahil subok na aniya ito kumpara sa makina ng MIRU.
Kapag ginawa aniya ito ng Comelec, malaki ang matitipid ng gobyerno na maaaring gamitin ang pondo sa ibang bagay na pakikinabangan ng taumbayan. (BERNARD TAGUINOD)
39