(NI BERNARD TAGUINOD)
KUNG maipapasa ang panukalang batas na ito, magkakaroon na ng regular na sahod ang lahat ng mga barangay officials sa bansa kung saan ang isang barangay captain ay tatanggap ng hindi bababa sa P30,000 kada buwan na suweldo.
Sa ilalim ng House Bill (HB) 6033 na inakda ni Kabayan party-list Rep. Ron Salo, ipapako sa Salary Grade (SG) 15 ang sahod ng mga barangay officials na may katumbas na P30,531.
Tatanggap naman ng P22,938 na may katumbas ng SG 12 ang lahat ng mga barangay council habang SG 10 naman ang barangay secretary at barangay treasurer na may katapat na P19,223 na sahod kada buwan.
Gayunpaman, hindi kasama sa nasabing panukala ang mga barangay tanod na siyang nagmamantena ng peace and order sa bawat barangay at karaniwang nagdu-duty sa gabi.
Sa ngayon ay tumatanggap ng allowance o honorarium na nakadepende sa Internal Reveunue Allotment (IRA) ng mga bawat barangay sa bansa kung saan sa mga probinsya ay umaabot lamang ng P1,000 ang tinatanggap ng barangay captain at P600 naman barangay council members.
Noong 1996, ayon kay Salo ay itinada umano ng Department of Budget and Management ang SG 14 na sahod ng barangay capatain at SG 10 naman sa barangay council members, barangay secretary at treasurer subalit hindi naipatupad dahil sa kawalan ng pondo ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa may 420,000 barangay officials sa buong bansa.
“These over 420,000 officials are on the front lines of the delivery of the most basic government services on a daily basis, 24 hours a day. The salary and benefits actually compensate for a fraction of the time and effort they put into their jobs,” ani Salo kaya ihinain nito ang nasabing panukala.
Sakaling maging batas ang panukalang ito, taun-taon nang isasama sa National Expenditure Program (NEP) ang sahod ng mga barangay officials sa bansa dahil hindi umano biro ang ginagampanang trabaho ng mga ito.
139