(NI DANG SAMSON-GARCIA)
HINIMOK ni Senador Ralph Recto ang Department of Health (DOH) na gamitin sa pagpapalakas ng anti-polio, at anti-dengue drive partikular sa paglaban sa fake news ang bahagi ng pondo para sa advertisement, travel, training, printing at publication sa susunod na taon.
Sa hinihinging P91.7 bilyong budget ng Department of Health (DOH), nais nitong ilaan ang P622.3 milyon para sa advertising; P79 milyon sa printing and publication; P530 milyon sa travel; at P2.16 bilyon sa training and scholarship.
Sinabi ni Recto na magagamit ang bahagi ng pondo upang palakasin ang immunization program.
“’Yung pera para sa mga consultations sa mga hotels, kung hindi naman importante ang pag-uusapan, dalhin na lang sa mga frontlines,” diin ni Recto.
“My suggestion is for them to practice ‘financial triage’. Unahin ang importante, at ipagliban kung ano ang postponable,” dagdag ng senador.
Para sa 2020, plano ng DOH na magbigyan ng bakuna sa 2.7 milyong infants laban sa tuberculosis, hepatitis B, diptheria, pertussis, tetanus, polio, measles, rubella at influenza.
Nasa dalawang milyong sanggol din ang bibigyan ng bakuna laban sa pneumonia habang 2.4 milyongn Grade 1 at 1.9 milyong Grade 7 ang bibigyan ng bakuna laban sa tetanus, diptheria, measles at rubella.
Sakop din ng programa ang 2.7 milyong buntis na pagkakalooban ng Tetanus vaccines habang ihahanda rin ang dalawang milyong units ng Influenza vaccine at 500,000 units ng Pneumococcal vaccine para sa senior citizens.
Gayunman, ang mga life-saving vaccinations na ito anya ay kailangang umabot sa mga benepisyaryo.
“They should be inoculated against wrong information. Kailangan ng gamot laban sa haka-haka,” diin ni Recto.
Sinisi rin ni Recto ang mga takot sa bakuna at pagbaba ng immunization rate sa lahat ng uri ng bakuna.
Maging anya ang pagbabalik ng polio ay dahil sa mga fake news sa bakuna.
“Superstition in digital form and viral chismis are aiding the spread of many viruses,” diin ni Recto.
456