ITINUTURING ng isang beteranong mambabatas sa Kamara na ‘failure of leadership’ ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang pag-abandona sa panukalang batas na magbibigay ng Provisional Authority (PA) sa ABS-CBN habang dinidinig ang kanilang prangkisa.
“(The) abandonment of HB 6732 on ABS-CBN provisional franchise is a failure of leadership,” paglalarawan ni Albay Rep. Edcel Lagman matapos magpasya na huwag na itong ituloy at sa halip ay simulan na ang pagdinig sa prangkisa ng nasabing network.
Mismong si Cayetano at ilang lider ng Kamara ang may-akda ng panukala na inihain noong Mayo 13 at agad itong ipinasa sa ikalawang pagbasa sa nabanggit ding araw kaya kinuwestiyon ito ni Lagman dahil sa usapin ng ‘constitutionality”.
“There is no overriding reason to abandon HB No. 6732 except for a furtive and sinister outside interference in the discharge of the constitutional duty of the House. Forfeiting the approval of House Bill No. 6732 is a culpable waste of legislative work spanning almost a week which could have been devoted to equally important measures,” ayon pa sa mambabatas.
Nanghihinayang naman sina Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate sa pag- abandona ng liderato ng Kamara sa PA ng ABS-CBN.
Ayon kay Brosas, mas lalong made-delay ang pagbabalik sa ere ng nasabing network sa ginawa ng liderato ng Kamara kaya nanganganib aniya na tuluyang mawalan ng trabaho ang karamihan sa 11,000 empleyado ng nasabing TV station.
Ganito rin ang pahayag ni Zarate na nakatakda sana aniyang bumoto pabor sa nasabing panukala ngunit hindi nito inaasahan na aabandonin ito ng liderato ng Kamara.
HULING BARAHA
Nakasalalay sa desisyon ng Supreme Court ang magiging kinabukasan ng ABS-CBN Corporation kung hindi mabibigyan ng Kongreso ng prangkisa ang network bago magtapos ang Agosto, na hindi maganda para sa 11,000 empleyado nito, ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.
Sa pahayag, sinabi ni Drilon na walang ibang remedyo sa prangkisa ng ABS-CBN kundi ang temporary restraining order (TRO) na hinihingi ng network sa Supreme Court, kundi napagtibay ng Kongreso ang kanilang prangkisa.
“Ang pwedeng remedyo na lang ay yung kaso sa Korte Suprema. Yung hinihinging TRO ng ABS-CBN,” ayon kay Drilon sa isang interview ng Teleradyo nitong Miyerkoles.
Nauna nang naghain ng petisyon ang network sa Korte Suprema na humihingi ng TRO sa ipinalabas na cease-and-desist order ng National Telecommunications Commission (NTC). Binigyan ng 10 araw ng SC ang NTC upang magpaliwanag at 5 araw naman sa ABS-CBN na tumugon.
Sinabi ng dating Justice secretary na dapat umasa na lamang ang ABS-CBN sa mabilis na intervention mula sa Supreme Court.
Aniya, kung hindi mabibigyan ng madaliang solusyon kundi man TRO o prangkisa ang network, maraming empleyado nito ang mawawalan ng trabaho dahil hanggang tatlong buwan lamang silang pasasahurin na magtatapos sa Agosto.
“The ball is with the House of Representatives” insofar as the ABS-CBN franchise is concerned. If they do not send us anything, then we cannot debate, consider and pass it,” giit ni Drilon. BERNARD TAGUINOD, ESTONG REYES
