PALASYO SA US SENATORS: ‘WAG MAKIALAM SA DESISYON NG ‘PINAS

(NI CHRISTIAN  DALE)

PINAGSABIHAN ng Malakanyang ang ilang senador ng Estados Unidos dahil sa pakikialam sa panloob na isyu ng bansa partikular sa usapin sa Hudikatura.

Nagpalabas kasi ng  resolusyon ang US Senate Foreign Relations Committee na nananawagan sa gobyerno ng Pilipinas na ibasura ang mga kasong kinakaharap nina Senador Leila de Lima at Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa.

Ayon kay Secretary to the Cabinet Karlo Nograles, hindi tamang nanghihimasok ang ilang US senators sa mga isyu sa bansa dahil ang Pilipinas ay mayroong sariling judicial process.

Aniya, dumadaan naman sa  tamang proseso ang mga kaso nina de Lima at Ressa kaya walang dahilan para utusan ng mga dayuhang senador ang gobyreno.

“Parang masyado na silang nakikialam sa atin. Hindi dapat nakikialam ang sinomang senador diyan sa Estados Unidos dahil sariling bansa ang Pilipinas at may sariling judicial process tayo,”ani CabSec Nograles.

Sa kabilang dako, minaliit naman ni CabSec Nograles ang resolusyon na aniya ay sa committee level lang naman at hindi sinang-ayunan ng buong US Congress na pinalaki lang ng oposisyon sa bansa.

“Pag resolution naman yan, hindi naman yan yung buong Kongreso talaga. Iilang mga senators lang yan ng Komite kaya hindi naman ganon kabigat yun,” aniya pa rin.

Malaki aniya ang posibilidad  na nagpapapansin lang ang ilang US senators para magpapogi sa mga Amerikano dahil malapit na ang kanilang eleksiyon kaya hindi ito papatulan ng Malakanyang .

“Para sa atin huwag nating pansinin dahil hindi naman malaing bagay yan. These are just politikos diyan sa Estados Unidos na nagpapapansin, nagpapacute lang, gustong magpasikat kasi malapit na siguro ang eleksiyon nila. Hindi dapat pansinin ang mga ganyang bagay. Huwag na lang patulan. Walang impact,” diing pahayag nito.

Samantala, naniniwala ang kalihim na ibinase lamang ng komite nina US senators Edward Markey at Richard Durbin ang kanilang impormasyon sa fake news o kaya ay polluted o biased sources kaya nakapaglabas ng ganoong resolusyon pabor kina De Lima at Ressa.

 

141

Related posts

Leave a Comment