(NINA KIKO CUETO, CHRISTIAN DALE)
HIHINTAYIN muna ng Malakanyang ang magiging sagot ng China sa diplomatic protest na isinampa ni Foreign Affairs Secretary Teddyboy Locsin kaugnay sa paglubog ng isang Philippine fishing boat sa Recto Bank.
Para sa gobyerno, “outrageous, barbaric, uncivilized” ang ginawang pagbangga ng Chinese fishing vessel sa Filipino fishing vessel F/B Glimver 1 dahilan upang lumubog ito.
Batid ng Malakanyang na sirang-plaka na ang pamahalaan sa paghahain ng diplomatic protests sa China at tila wala namang nangyayari rito kaya’t kung iaakyat man ito sa United Nations (UN) ay mangyaring hintayin na lamang ang desisyon ni Locsin.
Nauna rito, kinumpirma ni Locsin na nagsampa na ito ng diplomatic protest kaugnay sa paglubog ng isang Philippine fishing boat sa Recto Bank.
Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Locsin na nitong Huwebes niya inihain ang diplomatic protest.
Sinabi pa nito na iimbestigahan din ng Maritime Safety Committee ng International Maritime Organizarion ang insidente na nangyari noong Hunyo 9.
Sa nasabi rin na tweet, tinukoy pa niya si Sen Antonio Trillanes IV na unang inirekomenda sa DFA na makapagsagawa ang IMO ng independent and objective investigation sa pangyayari.
Hindi naman nagbigay pa ng iba pang detalye ng kanyang diplomatic protest si Locsin.
215