PAMAMAHAYAG BINUBUSALAN SA KAMARA – CELIZ

SA kanilang paglaya matapos ang isang linggong pagkakulong sa Batasan Pambansa Complex, muling nagpakawala ng mga salita laban sa mga nasa gobyerno sina Jeffrey Celiz at Lorraine Badoy.

Nitong Martes ng gabi, pinalaya na ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang dalawang anchor ng Sonshine Media Network International (SMNI).

Sa panayam ng mga mamamahayag matapos lumaya ang dalawa, iginiit ni Celiz na walang kapangyarihan ang gobyerno na sagkaan ang kanilang karapatan sa pamamahayag.

Nanindigan lang umano sila dahil kung hindi ay mawawala ang karapatang ito sa mamamayan.

“Siguro gusto kong magpasalamat sa ating mga kababayan na narinig ang boses ninyo kasi very clear this is not about us, it’s about our country, yung pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan, nakadelikado sa isang demokrasya lalo sa freedom of the press,” ani Badoy.

Nauna rito, nagdesisyon ang committee on Legislative Franchises nitong December 12, na palayain sina Celiz at Badoy “for humanitarian consideration”.

“Thus, your are hereby ordered to release Ms. Badoy after medical examination has been conducted to her. SO ORDERED.,” direktiba ng chairman ng nasabing komite kay House Sgt-At-Arms Ret. Police Major General Napoleon C. Taas.

Ganiton rin ang atas ng komite kay Taas para sa pagpapalaya kay Celiz na na-contempt at ikinulong sa Kamara mula noong December 6 na sinundan ni Badoy kinabukasan, December 7 dahil sa pagsisinungaling umano sa komite.

Walang reaksyon ang Kamara kung ang pagpapalaya sa dalawa ay kasunod ng manifesto ng graduates sa Philippine Military Academy (PMA) na kumondena sa pagpapakulong kina Badoy at Celiz na kilalang kritiko ng mga rebeldeng komunista.

Matapos sumailalim sa medical check-up, sinundo na sila ng kanilang abogado na si Atty. Mike Tolentino.

Inamin ni Celiz na humingi siya ng apology sa komite dahil sa pagtawag nito bilang Kangaroo court subalit “yun ay burst of emotion sa panahon na nagpapaliwanag kami, binubusalan kami”.

Prangkisa ng SMNI
pinababawi na

Samantala, hindi lang suspension ang nais ng isang mambabatas sa prangkisa ng Swara Sug Media Corporation na ginagamit ng SMNI kundi tuluyan na itong bawiin dahil sa paglabag sa batas.

Una nang inaprubahan ng House committee on legislative franchises na pinamumunuan ni Parañaque Rep. Gus Tambunting ang House Resolution (HR) 1499 na inakda ni PBA party-list Rep. Margarita Nograles na nag-aatas sa National Telecommunications Commission (NTC) na suspendihin ang operasyon ng SMNI dahil sa paglabag sa prangkisa ng Swara Sug.

Gayunpaman, nais ni 1Rider party-list Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez na tuluyan nang bawiin ang prangkisa ng nasabing network sa pamamagitan ng House Bill (HB) 9710 na kanyang inihain sa Kamara.

“The Committee on Legislative Franchises was able to identify numerous transgressions and abuses on the part of franchise grantee – Swara Sug Media Corporation (SSMC) which operates under the business name Sonshine Media Network International (SMNI),” paliwanag ni Gutierrez sa kanyang panukala.

(BERNARD TAGUINOD)

210

Related posts

Leave a Comment