(NI BETH JULIAN)
WALANG nakikitang dapat ipag-alala ang publiko kaugnay ng posibleng krisis sa enerhiya.
Ito ang tiniyak ni Presidential spokesperson Salvador Panelo sa kabila ng sunud-sunod na red alert status ng ilang planta ng kuryente sa Luzon grid.
Sinabi ni Panelo na ‘on top of the situation’ pa rin ang pamahalaan sa problemang ito.
Ayon kay Panelo, nagkausap na sila ng mga opisyal ng Department of Energy (DoE) at siniguro ni Energy Secretary Alfonso Cusi na tinutugunan na ang problema.
Nag-usap na sa Malacanang ang mga miyembro ng Gabinete ng Pangulo kung saan tinalakay ang problema sa supply ng enerhiya at maging ang problema sa tubig.
Una nang inihayag ni Energy Undersecretary Felix William Fuentebella na inaasahang aayos na sa darating na mga araw ang supply ng kuryente sa Luzon hanggang sa Linggo.
Ayon kay Fuentebella, inaasahan nang gagana ang mga plantang natapos nang kumpunihin.
Magiging operational na ang Pagbilao Power Plant ngayong Martes Santo, ayon pa kay Fuentebella.
391