PDU30 PINAGPAPAHINGA NG DOKTOR

SA ikalawang pagkakataon, hindi muli sinipot ni Pangulong Rodrigo Duterte and nauna nyang iskedyul na pagtungo sa mga lugar na tinamaan ng lindol nitong Biyernes sa Davao del Sur.

Ito ay matapos ihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na inabisuhan ang Pangulo ng kanyang doktor na magpahinga muna.

Ayon sa senador, ito ang dahilan kung kaya’t hindi nakadalo ang pangulo sa dalawang public engagement nitong Huwebes (January 2) at Biyernes (January 3). Sinabi ni Go sa mga mamamahayag na nakaranas ang Pangulo ng pananakit ng tiyan dahil sa kinain nito.

Tiniyak naman ng senador na walang dapat ikabahala ang publiko sa lagay ng kalusugan ng Pangulo.

Naglabas pa ito ng selfie kasama ang Pangulo.

Hiniling din ng senador ang panalangin para sa mabilis na paggaling ng pangulo.

Matatandaang si Davao City Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte ang naging representante ng pangulo sa pagbisita sa mga biktima ng lindol sa Malalag, Davao del Sur noong Biyernes.

Kasama ng nakababatang Duterte at Go si Department of Social Welfare and Development Under Secretary Luz Ilagan, ng iabot ang tseke na nagkakahalaga ng P5-milyong piso mula sa Office of the President kay Malalag Mayor Peter Paul Valtan.

Maliban sa cash assistance, ang presidential son din ang nanguna sa ceremonial rites upang iabot ang mga food packs para sa limang pamilya na biktima ng lindol.

Sa talumpati ni Go, humingi ito ng paumanhin dahil hindi nakadalo ang 74-anyos na Duterte at sinabing “not feeling well” ang Pangulo simula noong Huwebes at inabisuhan ng kanyang doktor na magpahinga muna.Ngunit nilinaw naman ni Go sa harapan ng 1,500 indibidwal na dumalo sa programa na maayos ang kondisyon ng katawan ng Punong Ehekutibo.

Dagdag ni Go na nakatakdang aalis ang Pangulo patungong Maynila, Biyernes ng gabi upang dumalo sa turn-over ceremonies para sa bagong Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines ngayong araw (Sabado), Enero 4.

Umabot din sa tatlong oras na naghintay ang mga biktima ng lindol sa dalawang bayan matapos unang makansela ang pagtungo ng pangulo noong Huwebes, Enero 2.

Sa bayan ng Padada, tinanggap din ni Mayor Pedro Caminero ang tseke na nagkakahalaga ng P5-milyon sa loob ng Padada Central Elementary School.

Ayon na sa bakwit na si Felisa, 52, matyaga siyang nag-antay sa Pangulo simula ala 1:00 ng hapon ngunit di niya ito nasilayan.

Ganoon pa man, masaya na rin ito na nakita si Sebastian nang personal na ayon sa kanya ay sa telebisyon lang madalas nakikita.

Ang nasabing aktibidad ang siyang unang schedule ng Pangulo nitong taong 2020. (DONDON DINOY)

153

Related posts

Leave a Comment